CRUCIAL kung maituturing ni Political Strategist Malou Tiquia ang magiging takbo sa Senado kung aanib sa minority ang mga senador na sumuporta kay dating Senate President Juan Miguel Zubiri o ang ‘Solid 7’.
Aniya, kung ito ay mangyayari ay isa itong magandang desisyon nila dahil pagdating sa mga panukalang batas ay magkakaroon ng checks and balances.
Isa sa inaasahang tatalakayin ng Senado sa kanilang pagbabalik sesyon ay ang Resolution of Both Houses 6 at 7 na may kinalaman sa pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas.
“Bakit mahalaga? Kasi ang kailangan na boto sa Senado ay 3/4 of 24. So, total niyan 18. So, ‘yung 7 ni Zubiri, ‘pag sumama sa minority, magiging 9. Ang maiiwan kay Senator Escudero ay 15. So, kulang ka ng 3 para mo maipasa ang Cha-cha sa Senado. Kung ang desisyon na tinitingnan nung 7 ay long term, kaya nilang i-freeze by being minority, kaya nilang i-freeze ang Cha-cha in the next 43 session days,” pahayag ni Malou Tiquia, Political Strategist.
Pero sa ngayon ay hindi pabor sa Charter change si Senate President Chiz Escudero.
Sa ngayon ay nagkasundo ang 7 senador na magiging independent muna sila pero kung magpapatuloy anila ang mga black propaganda laban sa kanila ay baka mapuwersa na silang umanib sa minority bloc na kinabibilangan lang nina Senator Koko Pimentel at Riza Hontiveros.