PARAÑAQUE CITY — Inanunsyo ng Meralco na magkakaroon ng power service interruption sa apat na barangay sa lungsod ng Parañaque ngayong linggo dahil sa isasagawang reconductoring, pagkukumpuni ng linya, at pagpapalit ng mga pasilidad.
Ayon sa abiso, maaapektuhan ang mga residente sa bahagi ng Circuit BF-Parañaque na sakop ang San Antonio Avenue at Nuestra Señora de la Paz Street sa loob ng San Antonio Valley I Subdivision. Ang power interruption ay magsisimula 12:01 AM ng Abril 30 (Martes) at magtatagal hanggang 5:00 AM ng Mayo 1 (Miyerkules).
Samantala, magkakaroon rin ng 30 minutong power interruption mula 12:30 PM hanggang 1:00 PM sa Mayo 1 sa mga barangay Tambo at Vitalez, na bahagi ng Circuit NAIA3 416VX-Parañaque-43ZJ. Ito ay dahil naman sa pagpapatuloy ng mga gawain sa kahabaan ng NAIA Road, Pasay City.
Hinimok ng Meralco ang publiko na maghanda at magplano upang maiwasan ang abala, lalo na sa mga tahanan at negosyo na umaasa sa tuloy-tuloy na suplay ng kuryente.