IDINEPLOY ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isa sa kanilang pinakamalaking barko na BRP Teresa Magbanua sa Kalayaan Island Group.
Ito ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. na palakasin at pataasin ng PCG ang kanilang presensya at operasyon sa West Philippine Sea (WPS).
Makaraan ang isang linggong maritime patrol, isang Vietnamese-flagged fishing vessel na nangingisda sa bahagi ng Recto Bank ang itinaboy at inatasan na agad lisanin ang Philippine Exclusive Economic Zone (PEEZ).
Nagdeploy rin ang PCG ng rigid-hull inflatable boats (RHIBs) para magsagawa ng boarding at inspection.
Samantala, pinayuhan naman ng tripulante ng BRP Teresa Magbanua ang mga mangingisdang Filipino na i-radyo ang PCG o Armed Forces of the Philippines (AFP) Shore Units sa lugar para sa anumang kinakailangan tulong.
Ngayong papalapit na ang summer season, inaasahan ng PCG ang pagdami ng Filipino fishing vessel para mangisda sa WPS.