TUWING may mga pagsabog ng Bulkang Kanlaon, hindi lang ang mga kabahayan at kalsada ang apektado, kundi pati ang mga taniman ng tubo sa Negros Occidental.
Noong Abril 8, muling pumutok ang bulkan, at ang ash fall o abo ay tumabon sa mga tanim sa ilang bayan sa isla.
Ang Negros Island ay kilala bilang “Sugar Capital of the Philippines.” Pero ngayon— heto’t tambak ang mga abo sa mga tanim ng tubo, lalo na sa La Carlota at La Castellana.
Dahil dito, nababahala ang United Sugar Producers Federation (UNIFED). Kung hindi nga anila agad na malilinis ang mga natabunang tanim—posible itong magdulot ng pinsala sa mga pananim.
“Sugar farmers there are all praying and waiting for rain so that ash that covered the leaves of the sugarcane will be washed and save their crop. Because, if not, if we will not rain and that ash will remain in the leaves it will kill the sugarcane kasi grabe ang acidity ng ash fall it’s very acidic,” pahayag ni Manuel Lamata, President, UNIFED.
Dahil dito, natatakot ang mga magsasaka na mawalan ng ani lalo na’t malapit nang anihin ang mga tubo sa buwan ng Mayo. Ang lahar, na maaaring bumagsak sa mga taniman kung umulan, ay isa pang banta sa sektor ng asukal.
Hindi rin inaalis ang posibilidad na iakyat sa Alert Level 4 ang Bulkang Kanlaon, na kasalukuyang nasa Alert Level 3, kung magpapatuloy ang pagsabog nito.
“Kung saka-sakali na puputok-putok talaga ‘yan, kaunti lang siguro ang damage niyan, it could increase maybe 10% sa ating retail, siguro mga nasa P5 to P10 siguro,” dagdag ni Lamata.
Batay naman sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), ang presyuhan ng refined sugar ay naglalaro sa P70–P90 kada kilo, habang ang washed sugar ay nasa P60–P80, at brown sugar naman ay P60–P90 kada kilo.
Ayon kay Lamata, tahimik pa ang Bulkang Kanlaon matapos ang explosive eruption nito noong Martes. Gayunpaman, umaasa ang mga residente sa mga apektadong lugar na agad silang makakatanggap ng tulong.
“Ang clamor ng karamihan na nasa loob ng danger zone ay a permanent evacuation center kasi mukhang they dont see the future going back to their places. So, they are requesting na bigyan sila ng permanenteng area para makapatayo sila ng bahay nila,” aniya.
DA, wala pang naiulat na pinsala sa sektor ng Agrikultura kasunod ng pagputok ng Mt. Kanlaon
Sa ngayon, wala pang naiulat na pinsala o pagkalugi sa sektor ng agrikultura at pangisdaan ang pagputok ng Bulkang Kanlaon ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sa kabila nito, patuloy na mino-monitor ng Regional Field Offices VI at VII ang sitwasyon upang matukoy ang anumang posibleng epekto sa mga taniman at iba pang bahagi ng agrikultura.
Nagsasagawa na rin ng assessment ang ahensya sa mga ilog at irigasyon upang tiyakin kung kontaminado ang tubig na ginagamit ng mga magsasaka. Nagpadala na rin sila ng livestock rescue vehicle upang mailipat ang mga alagang hayop sa mga evacuation centers.
Habang patuloy na binabantayan ang aktibidad ng Bulkang Kanlaon, nananatiling alerto ang mga awtoridad sa posibleng epekto nito sa sektor ng agrikultura—lalo na sa industriya ng asukal na itinuturing na sentro ng ekonomiya ng Negros.