LAHAT na ng pangunahing bilihin sa bansa ay tila nagtaas na ng presyo, ayon sa isang ekonomista.
Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 1.4% ang inflation rate noong Hunyo 2025.
Kabilang sa mga pangunahing dahilan ng pagbilis ng inflation ang mataas na gastusin sa kuryente, tubig, pabahay, at langis.
Pero ayon sa isang ekonomista na si Arturo Del Castillo, hindi lang ito simpleng isyu ng presyo ng mga bilihin. Aniya mayroong mas malalim na dahilan kung bakit nahihirapan ang pamahalaan na tugunan ito.
Ayon sa ekonomista, kung ikukumpara sa ibang bansa, mas mabilis nilang nasosolusyunan ang inflation dahil nakatutok ang kanilang mga pamahalaan sa pagpapalakas ng lokal na produksiyon.
Sa Pilipinas naman, tila sa ibang aspeto nakatuon ang pansin ng gobyerno.
“As mentioned tingin ng karamihan ay magso-soften ‘yung inflation but, concern din kami sa government and even business. It should be focus sa economy rather than politics. For now, the usual headline would be politics tapos na ‘yung eleksyon yet it seems politics is still in the air. Dapat sana this 20th Congress ay mas naka-focus talaga sa maayos at mabilis na aksyon sa mga economic reforms,” saad ni Arturo Del Castillo, Ekonomista.
Dagdag pa ni Del Castillo, hindi sapat ang suporta sa mga magsasaka. Kaya marami sa kanila, tumitigil na sa pagtatanim.
Sa halip na palakasin ang lokal na produksiyon, patuloy ang pag-angkat ng produkto mula ibang bansa.
Sa kaniyang obserbasyon, marami nang mga agricultural land ang tinatayuan ng mga building o bahay imbes na taniman ng mga produktong agrikultural.
“It’s about time, it’s been decade that hindi pa napapasa ang Land Use Act. We need to already protect what is rightfully for the agriculture for agri-forestry before we ran out of space. Mas dumadami ang pabahay kaysa sa pagkain. Sana naka-focus din ang support program sa agriculture,” dagdag ni Del Castillo.
Samantala, nakaapekto rin aniya sa ekonomiya ng Pilipinas ang mataas na gastusin sa enerhiya, na isa sa mga dahilan ng pagbilis ng inflation rate.
“Second, our concern is power and energy, mahal pa rin tayo hindi sa buong mundo kundi sa universe. So, ‘yung cost of production mo ay naapektuhan so kung ito ay ma-address ay bababa ang inflation,” aniya.