PINALAGAN ng mga nasa sektor ng agrikultura ang nais ng Finance Department Chief na bawasan pa ang taripa na ipinapataw sa imported agricultural products partikular ang bigas.
Tuwing namamalengke aniya si Aling Amy ay hindi muna ito agad-agad namimili ng bigas.
Iniikot niya muna ang mga tindahan upang humanap ng pasok sa kaniyang budget.
Iniikot niya muna ang mga tindahan upang humanap ng pasok sa kaniyang budget.
Kulang ang P300 budget niya para sa isang linggong konsumo ng bigas dahil sa sobrang mahal nito.
Imported rice na ang binibili niya dahil sa mas mura ito kaysa sa lokal.
‘‘Mas mura rito sa market kaysa doon sa lugar namin. (So, magkano po doon?) P60 dito P57, sayang din ‘yung P3,’’ ayon kay Aling Nancy, Mamimili.
Pero, may nakikitang solusyon ang Finance Department upang tuluyan pang bumaba ang presyo ng imported rice sa merkado.
Nais kasi ni Finance Secretary Ralph Recto na bawasan ang mga taripa sa pag-import ng bigas sa 17.5% hanggang 20% mula sa kasalukuyang 35%.
Ito aniya ay para mapababa ang presyo ng bigas na isa sa dahilan ng pagbilis ng inflation sa bansa.
Ang karagdagang pagbabawas ng taripa ay bahagi ng mga hakbang ng gobyerno para pababain ang presyo ng bigas ng 20% sa buwan ng Setyembre.
Bukas naman ang Department of Agriculture (DA) sa panukalang ito ng DOF.
Sabi ng ahensiya, posibleng mas magiging abot-kaya pa ang presyo ng imported rice sa merkado.
‘‘Kung ire-reduce ng 17.5% from the current 35% ‘yung tariff ang epekto nun ay of course mga P4 to P5 na reduce sa imported rice,’’ saad pa ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.
Sa tindahan ni Alfonso, nasa P48/kg ang presyo ng Vietnam o imported rice habang higit P50/kg ang presyo ng lokal.
‘‘Sa amin ay malaking bagay ‘yung ganon pabor sa amin lahat. Dahil, medyo maging mabili na siya kasi nga may murang mabibili na,’’ ayon naman kay Alfonso, Negosyante.
Kung ang mga grupo ng magsasaka ang tatanungin, hindi sila pabor na bawasan ang taripa ng mga imported product partikular na ang bigas dahil ikakalugi anila ito ng mga nasa sektor.
SINAG sa DOF: Ikamamatay ng sektor ang planong bawasan pa ang taripa sa imported products
Hindi sang-ayon ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa nais ni DOF Sec. Recto dahil nakailang beses na rin kasing ginawa ng pamahalaan ngunit hindi pa rin ramdam ang murang bigas.
‘‘Since 2021 mabababa na ‘yung taripa bigas and yet hindi naman bumababa ang presyo ng bigas, nagmahal pa,’’ ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director, SINAG.
‘‘Walang nakikinabang sa reduction ng tariff except mga importer and trader not the consumers, not the producers and not the government,’’ dagdag pa nito.
Giit ni Cainglet, posibleng tamarin nang magtanim ang mga magsasaka na maaaring ikabagsak ng sektor dahil hindi na nakabubuti ang ginagawang hakbang ng pamahalaan.
Pero, paglilinaw ni Agriculture Spokesperson De Mesa, hindi pa naman pinal ang plano at mahabang proseso pa ang kakailanganin bago ito maisakatuparan.
Wala rin aniyang maapektuhang magsasaka sa panukalang ito.
‘‘Hindi naman masyadong maapektuhan ‘yung mga magsasaka dahil papasok ‘yung imported rice during the lean months,’’ ayon kay Asec. De Mesa.
Planong bawasan ang taripa sa imported rice, posibleng papakinabangan lang ng mga nasa politika—ekonomista
Para sa ekonomistang si Dr. Michael Batu, posibleng may ibang agenda ang Finance Secretary kung bakit niya gustong bawasan ang taripa sa imported rice.
Hindi pa rin naman aniya ramdam ng mga konsyumer ang pagbaba ng taripa dahil kapag ibinibenta na sa merkado ang imported rice ay kapareho pa rin sa presyo ng local rice.
‘‘So, clearly mayroong nangyayaring price manipulation doon sa kalagitnaan ng value chain sa rice industry. So, anong ibig sabihin na kalagitnaan ng value chain? Nandiyan ‘yung mga trader, nandiyan ‘yung mga may-ari ng bodega,’’ pahayag ni Dr. Michael Batu, Economist.
Kung gagawin aniya ito ng pamahalaan ay maaaring mawalan ng benepisyo ang mga magsasaka lalo’t ang taripa na nakukuha sa mga pumapasok na imported agricultural products ay nakalaan sa Rice Competitiveness Enhancement Funds para sa sektor.
‘‘Kapag binawasan mo ‘yung taripa saan na ngayon kukunin ang pondo para ma-improve ‘yung competitiveness ng ating mga farmer.’’
‘‘Ang suspetsa ko rito is may mga personalidad dito sa kalagitnaan ng value chain either sila rin ‘yung mga politiko rin o kaibigan ng mga politiko at sila ‘yung nakikinabang sa sistemang ito kaya hanggang sa ngayon ay hindi naso-solve ang problemang ‘yan,’’ ayon kay Dr. Michael Batu, Economist.
Sen. Cynthia Villar, tutol sa planong ibababa ang taripa sa imported rice
Hindi rin nalalayo ang pahayag ni Senate Committee on Agriculture Chairman Cynthia Villar.
Dahil maging siya ay hindi pabor sa gusto ng Finance Department.
“Hindi. Ang assumption namin 35%. Ayaw niyo po na mas lower pa po? Eh siyempre kapag mas malaki ang tariff, mas madami ang mabibigay sa mga local farmers. Kasi lahat ng proceeds ng tariff, ibinibigay sa Rice Competitiveness Enhancement Fund. So ang assumption namin malaki para mas malaki ang mabigay sa mga farmers,” saad ni Sen. Cynthia Villar, Chairman, Committee on Agriculture.
Dagdag pa ng senador, bukas naman sila na bigyan ng pagkakataon ang DA na mag-angkat ng bigas na walang taripa para makatulong sa mga mahihirap lalo na sa panahon ng kalamidad.