POSIBLENG tumaas pa sa P57/kg ang presyo ng regular milled rice.
Posibleng mas tumaas pa ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Ito ang sinabi ng Federation of Free Farmers Cooperatives (FFF) dahil nasa P34/kg na ang presyo ng palay.
Pinatotohanan din ito ng rice miller mula Bulacan, kung saan inaasahang magmamahal pa ang presyo ng palay hanggang P36-38/kg sa susunod na linggo.
Posibleng tumaas ang presyo ng local regular milled rice ng P56 kung aabot sa P36/kg ang presyo ng palay.
“Ngayon lang nangyari ‘yung sa larangan ng palay ng bentahan sa ganitong lean months, ngayon lang nangyari ang ganiyang kataas,” ayon kay Tony Santos, rice miller mula Bulacan.
Isang dahilan ng pagtaas ay dahil hindi pa naman panahon ng anihan sa ngayon kaya kaunti ang nabibiling palay.
Aminado naman ang Department of Agriculture (DA) na may pagnipis sa suplay ng bigas sa mga susunod na buwan kung kaya’t hinihikayat ang mga pribadong sektor na mag-angkat.
“There is rice, medyo thin nga lang ang inventory. Stocks we have talked to private sector to help beef up supply during the lean months-that is before the harvest that starts October-to enhance stocks,” ayon kay Usec. Mercedita Sombilla, Policy, Planning and Regulations, DA.
Pero, hindi ito nangangahulugan na magkakaroon na ng shortage sa bigas dahil mayroon pang sapat na suplay ng bigas sa bansa.
Punto ni DA Undersecretary Leocadio Sebastian, tigilan ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon ukol dito.
Produksiyon ng bigas sa bansa ngayong taon, posibleng umabot sa 20-M metriko tonelada
Sa kabila nito, sinabi ng DA na inaasahan nila na mas maganda ang produksiyon ng bigas ngayong taon sa bansa at posibleng umabot pa sa 20-M metric tons.
Ito’y kung walang darating na malalaking sakuna.