TUMAAS na ang mga presyo ng school supplies sa Divisoria, Maynila isang linggo bago magsimula ang pasukan.
Anim na araw na lang at balik-eskwela na ang mga bata sa public school, at marami pa sa ating mga nanay at chikiting ang naghahabol para makabili ng school supplies.
Umaga pa lang ay marami nang mga magulang sa bahagi ng Juan Luna para mamili.
Pero sa ating paglilibot, nakita natin na medyo mayroon ding pagtaas sa presyo ng mga ilang school supplies sa Divisoria.
Sa kabila ng medyo maliit na pagtaas ng presyo, ika nga ng mga mamimili, mas abot-kaya pa rin sa Divisoria kaysa sa mga gamit eskwela na mabibili sa mall.
‘Yong iba mula pa sa Pangasinan, Binangonan Rizal, Quezon City, at Valenzuela City, dumayo pa sa Divisoria.
Manila LGU, may palibreng school supplies para sa mga bata
Samantala, ang ibang LGU gaya ng Manila LGU, inilibre ang mga estudyante nila sa school supplies.
Naglaan ng P416-M na pondo ang Manila LGU para sa kanilang notebooks o pads, school bags at PE uniforms.
Ayon kay Schools Division Supt. Rita Riddle, ang notebooks o notepads ay ipinamimigay sa mga Kinder hanggang Grade 12.
Habang ang PE uniforms ay para naman sa Grade 1 hanggang Grade 12.
Ang school bags ay para naman sa mga Kinder hanggang Grade 2.
Saad pa nito na upon enrollment o sa oras na sila ay makapag enrol ay maaari nang makuha ng mga bata ang kanilang school supplies sa paaralan.
Sinabi naman ni Riddle na nasa 60 porsiyento o mahigit 100,000 na ng mga bata ang nagpa-enrol sa Maynila at inaasahan nila na hanggang sa school opening ay papalo sa 300,000 libo ang enrollees o mag-aaral nila sa public school.