Bagong ‘Love the Philippines’ slogan, suportado ng Manila LGU

Bagong ‘Love the Philippines’ slogan, suportado ng Manila LGU

SUPORTADO ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila ang bagong kampanya na “Love the Philippines” ng Department of Tourism (DOT).

Sa isang pulong balitaan, kinumpirma ni Manila City Mayor Honey Lacuna-Pangan na hindi pa man nagsisimula ang bagong slogan na “Love the Philippines” ay sinisimulan na ito sa lahat ng distrito sa lungsod ng Maynila.

Kilala ang lungsod ng Maynila na hitik sa mga makasaysayang lugar.

Kabilang na rito ang Museo ni Rizal, Simbahan ng San Agustin, Pambansang Museo, at ang Heroes Square, Fort Santiago at maging ang Intramuros na kilala na bilang nagsilbing pintuan ng iba’t ibang kalakalang lokal at pandaigdigan noong ika-19 siglo.

Ayon pa kay Mayor Lacuna kasalukuyan na nilang dinedevelop ang nasa 8 lugar sa lungsod para gawing tourism hub.

Sa katunayan, kada distrito sa lungsod ay mayroon na silang kinilalang lugar na puwede pang i-develop na maging tourist spot hindi lamang para sa mga lokal na turista kundi ng mga dayuhang turista.

Samantala sa unang linggo ng Hulyo ay ilulunsad na sa lungsod ng Maynila ang heritage tour kasama ni DOT Secretary Christina Frasco.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter