Prime Minister Kishida, muling bumagsak ang approval ratings

Prime Minister Kishida, muling bumagsak ang approval ratings

MULING bumaba ang approval ratings ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida kasunod ng kanyang kaugnayan sa kontrobersyal na simbahan sa bansa at dahil sa mga pangamba sa malawakang spending plan na nais nitong ipatupad.

Bumagsak sa 42% ayon sa poll na isinagawa ng Nikkei newspaper noong weekend.

Ito na ang pinakamababang ratings ni Kishida mula nang umupo sa pwesto noong Oktubre taong 2021.

Sa isang survey naman na isinagawa ng Kyodo News Agency ay umangat ang approval ratings ni Kishida mula 35% ay naging 37.6% ito sa pagsisimula ng Oktubre.

Hindi naman nakatulong kay Kishida ang anunsyo nito na 200 bilyong dolyar na economic stimulus package maging ang pagbibitiw sa pwesto ng economic minister nito.

Matatandaan naman kinumpirma ng Liberal Democratic Party na maraming mambabatas ang may indibidwal na kaugnayan sa kontrobersyal na Unification Church pero walang organizational na kaugnayan sa partido kung saan kabilang si Kishida.

Inanunsyo na rin ni Kishida sa pagsisimula ng buwan ang imbestigasyon sa simbahan kung saan 78 porsyento ng respondents ang nagsabi na dapat ay i-disband ang simbahan.

Sa kabila nito, hindi pa rin nakatulong ang anunsyo sa pagtaas ng ratings ni Kishida.

Follow SMNI NEWS in Twitter