DAHILAN ng paghina ng job creation ay ang problema ng Pilipinas sa geopolitics ayon sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP).
Sa pinakabagong labor force survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ginawa noong Mayo 8-28, pumalo na sa 2.11 milyon ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa.
Mas mataas ito sa 2.04 milyon na naitala ng PSA noong Abril.
Ayon sa ECOP, ang pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho ay dahil na rin sa paghina ng job creation at pagsasara ng ilang kompanya sa ating bansa.
Punto nito, dahil sa problema sa geopolitics o international relations, apektado ang investment at turismo na pagmumulan sana ng maraming trabaho.
Umatras na ang mga mamumuhunan dahil sa umano’y nakaambang giyera sa pagitan ng Pilipinas at China bunsod ng girian sa West PH Sea (WPS).
“May mga Chinese company na naghinto ng operation din dahil sa problema natin. Marami din sigurong apektado ng inflation, ‘yong mga kompanya lalo na ‘yong maliliit, instead of expanding meron pa nagbabawas ng trabaho. So ‘yon ang nakikita kong rason.”
“’Yong mga investors na medyo nag-aalangan dito sa atin dahil maraming tsismis na magkakaroon ng giyera, maraming industries na mag-i-invest sana, hindi na tumuloy.”
“Actually, sa isang survey na nakita ko, sa 2023, halos zero ang investment ng Chinese dito sa Pilipinas. At pati tourism bumagsak din as services. Malaki ang binagsak dahil motorista nila napunta sa Thailand, napunta sa Indonesia,” pahayag ni Sergio Ortiz-Luis-Jr., President, Employers Confederation of the Philippines (ECOP).
Ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. simula noong maupo sa puwesto ay kaliwa’t kanang foreign trips na ang ginawa para makapaghikayat ng mga investor.
Sa katunayan, mahigit 20 bansa na ang pinuntahan niya sa loob ng dalawang taon niya sa Malakanyang.
Pero ayon sa ECOP, “KULELAT PA RIN” ang Pilipinas pagdating sa investment.
“Ang problema dito sa Asia, with all the efforts of the govternment, of the president, kulelat tayo, kulelat na kulelat tayo sa investment. Hanggang ngayon, pinakulelat tayo,” diin ni Luis.
Sinabi rin ni Ortiz na ang pagtaas ng pasahod sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) ay hindi ramdam dahil sa walang-humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Pagdating nga aniya sa pagbibigay ng subsidiya ay kulelat ang Pilipinas kung ikukumpara sa mga ibang malalapit na bansa.
“Ang problema there is misconception sa mga kababayan natin na ‘yong minimum wage natin napakababa, ang totoo sa minimum ‘wag natin dito sa ASEAN Region ngayon, noong isang taon medyo naungusan tayo ng Indonesia kasi nagtaas sila pero noong lumabas ‘yong last year, ‘yong 40 pesos increase sa Metro Manila at 35 ngayon ay number one na naman tayong pinakamataas.”
“Bakit may problema inspite of that kasi nga mataas ang bilihin. Tayo wala tayong subsidy like our neighbors, may subsidy sa fuel, mababa ang power cost nila, tapos ‘yong mga agricultural products nila mas competitive, tayo very uncompetitive ang productivity natin kaya mataas ang presyo natin,” aniya.