NAKIKIPAG-UGNAYAN na ang Land Transportation Office (LTO) sa supplier nito para agad na makumpuni ang mga depektibong laser engravers.
Ang naturang kagamitan ay ginagamit sa pag-imprenta ng mga driver’s license.
Dahil dito ay maaksyunan na ang backlog sa paggawa ng mga nasabing lisensya dahilan sa matagal na produksyon ng mga ito.
Ayon kay LTO Assistant Secretary Jay Art Tugade, matapos niyang iutos ang imbentaryo ng mga asset sa ahensiya ay nadiskubre niyang higit 10 percent ng mga engraver ay may aberya.
Aniya, nagpalabas ng listahan ang ahensiya upang malaman ng mga Pilipino kung saan-saang LTO officers ang mayroong depektibong laser engravers.
Aminado naman si Tugade na ang problema sa engraver ang isa sa mga dahilan kung bakit mayroon pang 92,000 na backlog ang ahensiya pagdating sa driver’s license.
Sa ngayon, ay tuloy-tuloy naman aniya ang repair sa mga nasirang engraver at hinihintay lang din ang iba pang piyesa mula sa supplier.
Tatagal pa ng 1-2 buwan bago makumpuni ang mga engraver.
Wala ring pondo ang LTO para bumili ng bagong engraver na nagkakahalaga ng P2 milyon bawat isa.
Kasunod nito, humingi ng pang-unawa si Tugade sa mga aplikante kung maaapektuhan ng mga opisina na hindi makakapag-imprenta ng driver’s license dahil sa depektibong engraver.
BASAHIN: Single ticketing system, target sa 2023 –LTO