Produksiyon ng asukal hanggang sa katapusan ng 2023, sasapat pa

Produksiyon ng asukal hanggang sa katapusan ng 2023, sasapat pa

C

Hindi nakikita ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang pag-aangkat ng asukal hanggang sa katapusan ng taong 2023.

 

HINDI nakikita ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang pag-aangkat ng asukal hanggang sa katapusan ng taong 2023.

Ito ay dahil sa inaasahang mas mataas na produksiyon ng asukal.

Pero ayon sa ahensiya, posibleng kulangin sa asukal sa susunod na taon.

Paggawa ng kakanin ang hanapbuhay ni Ate Lanie sa Payatas sa Quezon City, perwisyo aniya ang napaka-mahal na sangkap na ginagamit tulad ng asukal.

Brown sugar ang kaniyang ginagamit na hanggang ngayon ay higit P80/kg pa rin ang presyo sa palengke.

Malaking bagay para sa nagtitinda ng asukal na si Aling Teresita kung mas bababa pa ang presyo ng lokal na asukal.

Ang hinaing nina Aling Lanie at Teresita dahil sa mahal na presyo ng asukal ay maaaring masolusyunan.

Batay sa inilabas na Sugar Order Number 1 (SO1) ng SRA, tataas ng 1.850 milyong metriko tonelada ang produksiyon ng asukal sa 2023-2024 crop year.

Mas mataas ito kung ikukumpara sa sugar production noong 2022-2023.

Wala rin aniyang dahilan para mag-angkat ng asukal sa ngayon.

“Sa ngayon, ‘yung stock levels natin ng raw ay sapat, its better or a lot better last year. ‘Yung stock levels natin ng refined ay more than 200% better and the good news is we also milling already in September 1 and medyo maganda ‘yung umpisa ng milling. So, as this moment there’s no need to import ang daming asukal in the country, ‘yung buffer na ginusto ng pamahalaan is there. So safe po ‘yung supply,” ayon kay Pablo Azcona, Administrator, SRA.

Paliwanag ni Azcona, ang 1.850 milyong metriko tonelada ng asukal ay muling ilalaan para sa domestic consumption.

Nakasaad ito sa inilabas na SO1 ng ahensiya na pirmado mismo nina SRA Administrator Pablo Azcona at ni DA Senior Usec. Domingo Panganiban.

Ang hakbang na ito ay upang siguruhing sapat ang suplay ng asukal sa bansa at mananatiling stable ang presyo nito.

“Yung 3,000 is P60 per kilo po for a raw sugar iyon and most of the, pagdating sa palengke if you compute in Negros then you ship it to Manila plus the kita po of the retailer and wholesaler siguro safe to assume po ‘yung raw sugar or the brown sugar ay safe to assume is P75,” dagdag ni Azcona.

Sa kabila nito, posible aniya na bababa sa 10 hanggang 15 porsiyento ang total raw sugar production ngayong crop year dahil sa banta ng El Niño phenomenon.

At maaari din itong kulangin ng 450,000 metriko tonelada dahil nasa 2.3 milyon ang taunang demand sa asukal.

Pero, pag-aaralan aniya ng SRA ang pagtugon sa posibleng kakulangan sa asukal sa susunod na taon.

“Yung shortages usually is felt before the next milling. So, usually at the beginning of the next, let’s say at the beginning of first quarter of 2024 we should already start to surveying and planning kung talaga bang kukulangin tayo or talagang kailangang mag-angkat,” ani Azcona.

Base naman sa price monitoring ng Department of Agriculture, naglalaro sa higit P80/kg-P110/kg ng refined sugar, P80/kg-P95/kg naman sa washed sugar at P78/kg-P95/kg sa brown sugar.

Ilan sa mga palengke na nagbebenta sa ganitong presyo ay Commonwealth Market, Guadalupe, Las Piñas, Malabon, Marikina, Mega Q Mart, at iba pa.

 

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble