Produksiyon ng lokal na gamot, nais palakasin ng Marcos administration

Produksiyon ng lokal na gamot, nais palakasin ng Marcos administration

NAIS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na pahusayin pa ng bansa ang local drug manufacturing at makakuha ng stockpile ng gamot.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag sa ginanap na pulong kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC) healthcare sector group sa Malacañang Palace nitong Miyerkules.

Sinabi ni Pangulong Marcos na kailangang maging handa ang bansa sa anumang emergency at dapat magawa ang lokal na suplay ng mahahalagang gamot.

Ito’y upang maiwasan ang problema sa suplay ng gamot gaya ng naranasan ng bansa noong kasagsagan ng lockdown bunsod ng pandemya.

Kaugnay rito, makikipagtulungan ang Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) sa pribadong sektor upang matukoy ang mga gamot na maaaring gawin sa lokal.

Layon din ng pagtutulungan na mapakinabangan ang paggamit ng kapasidad ng mga lokal na tagagawa ng parmasyutiko, partikular ang produksyon ng mga pangunahing gamot para sa mahihirap na mga pasyenteng Pilipino tulad ng mga gamot na anti-tuberculosis.

Follow SMNI NEWS in Twitter