INILUNSAD ng Police Regional Office (PRO) 4A ang “Project Blue Line” para sa pamilya ng mga pulis na namatay o nasugatan sa lehitimong police operations.
Ayon kay PRO 4A regional director Police Brigadier General Jose Melencio Nartatez, nais nilang maipakita at maiparamdam ang pagpapahalaga at pagmamalasakit sa pamilya ng mga pulis na inialay ang buhay para sa tungkulin.
Kaugnay nito, isang masayang caroling ang ginawa ng Batangas Police Provincial Office sa pangunguna ni Provincial Director Police Colonel Pedro Soliba sa pamilya nina Police Captain Alvin Kison at Police Staff Sergeant John Melver Leyco noong Disyembre 6.
Gayundin sa pamilya nina Police Master Sergeant Bryan de Jesus, Police Staff Sergeant Roman Bejer, at Patrolman Gregorio Panganiban Jr. noong Disyembre 8.
Naghandog din ang pulisya ng grocery items sa bawat pamilya.
Sa ilalim din ng Project Blue Line, ipatutupad ang parameter at probisyon ng batas tulad ng RA 6963 o ang pagbibigay ng financial assistance at benefits at Executive Order 110 o ang pinalawig na Social Benefits Program.