Proposed 2023 national budget, naisumite na ng DBM sa Kamara

Proposed 2023 national budget, naisumite na ng DBM sa Kamara

NAISUMITE na ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara ang panukalang P5.268-T national budget para sa susunod na taon.

Pinangunahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang pagsumite ng mga dokumento ng panukalang pambansang pondo sa tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez sa Kamara de Representante.

Ang P5.268-T 2023 National Expenditure Program ay naglalaman ng mga proyekto at programang kaakibat ang mga nakalaang pondo.

Inaasahang tutugon ito sa pangangailangan ng sambayanan at susuporta sa mga prayoridad at adhikain ng gobyerno.

Ang panukalang pambansang pondo para sa 2023 ay 4.9% o ₱244 billion na mas mataas sa ₱5.024-T 2022 budget.

Katumbas naman ito ng 22.2% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.

Una nang tinarget ng economic team ng administrasyon na makamit ang 6.5 hanggang 8.0 percent GDP growth kada taon mula 2023-2028 para hindi tumaas ang poverty rate.

Kaya naman nakasentro ang budget sa mas nangangailangang sektor gaya ng edukasyon, imprastraktura, kalusugan, agrikultura at social protection.

Ang sektor ng edukasyon kung saan kabilang dito ang Department of Education (DepEd), State Universities and Colleges (SUCs), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ay makatatanggap ng 8.2 percent na pagtaas ng pondo sa 2023 na nasa P852.8-B.

Pagdating naman sa infrastructure development, P1.196-T ang alokasyon para sa susunod na taon.

Makakukuha naman ang Department of Public Works and Highway (DPWH) ng P718.4-B pondo.

habang ang Department of Transportation (DOTr) ay tatanggap naman ng P167.1-B, mas mataas ito ng 120.4% mula sa P75.8-B 2022 budget.

Ang mataas na pondo sa imprastraktura ay kasunod ng programang Build, Better, More ng administrasyong Marcos kung saan magtatayo ng karagdagang subway, railways, regional airports at farm-to-market roads.

Ang budget naman sa sektor ng kalusugan na kinabibilangan ng Department of Health at Philippine Health Insurance Corporation, ay itinaas ng 10.4% na nasa P296.3-B.

Layon ng naturang inilaang pondo na mapabibilis ang vaccination efforts lalo na ang boosters para sa vulnerable population at palakasin ang health system sa pamamagitan ng pagpapa-ibayo ng health facilities and services.

Ang pondo naman para sa sektor ng agrikultura na kinabibilangan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Agrarian Reform (DAR) ay tumaas ng 39.2% na nasa P184.1-B pondo.

Ang naturang budget ay bilang suporta sa mandato ni Pangulong Marcos at paghahanda na rin sa napipintong global food crisis, at para sa target na magkaroon ng long-term goal ng food self-sufficiency.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman ay may P197-B 2023 budget.

Kabilang sa popondohan dito ang mga itutuloy na programang tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, Social Pension for Indigent Senior Citizens, Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances, Sustainable Livelihood Program at Supplementary Feeding Program.

Nasa 26.2 bilyong budget naman ang sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Dahil sa inaasahang pagpasok ng mga mapinsalang bagyo at iba pang natural calamities, ay itinaas din ang pondo ng Department of National Defense (DND) ng 9% o nasa 240.7 billion habang ang alokasyon para sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) ay nasa P31-B.

Kaugnay ng proposed 2023 national budget, naniniwala ang DBM chief na kaisa nito ang Kamara sa kanilang commitment na paglingkuran ang mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng makatarungang alokasyon ng pambansang pondo.

Sa kabilang banda, inihayag naman ni Speaker Martin Romualdez na ikinatuwa ng Kamara na natanggap na nila ang national expenditure program para sa Fiscal Year 2023.

 “We will perform our constitutional mandate to scrutinize and act deliberately and judiciously and very, very cautiously in the deliberations of the national budget for this is the most important piece of legislation that we shall face this year,” pahayag ni Romualdez.

Tiniyak din ng Kamara na magiging transparent ang budget process.

“This budget is basically represents the hope of the future and the agenda for prosperity in the country this incoming 2023,” aniya pa.

Tiniyak din ni Romualdez na bago ang deadline sa Oktubre 1 ay maipapasa ng House of Representatives ang P5.268-T proposed 2023 national budget.