BANTAY sarado ngayon ang Provincial Capitol ng Davao del Norte ng mga kawani at supporters ni Gov. Edwin Jubahib para hadlangan ang pagsisilbi ng suspension order laban sa gobernador.
Kaninang alas sais ng umaga, tadtad ang palibot ng kapitolyo ng signage na “Ako ay Mubarog” na sa tagalog “Ako ay Tatayo”.
Hinarangan ang entrance at exit points ng kapitolyo ng 10-wheeler truck at mga sasakyan ng kapitolyo.
Base umano sa impormasyon na nakaabot kay Gov. Jubahib na surpresa ang pagsisilbi ng suspension order bagamat wala silang alam sa basehan ng kautusan.
Ayon kay Engr. Jean Rabanos, Provincial Administrator ng Davao del Norte, hindi dumaan sa proseso ang naturang order base sa Administrative Order 23.
Aniya kung anuman ang reklamo laban sa isang opisyal ay kailangan muna ng pagdinig at hingin ang panig ng inirereklamo bukod pa sa mediation bago pa desisyunan ang kaso.
Ayon naman kay Mr. Arnel Montero, assistant ni Gov. Jubahib na maayos ang pamamahala sa probinsiya ng gobernador sa gitna ng pandemya, sa pagkakaloob ng kalsada sa mga Lumad, at mapalaya ang probinsiya mula sa teroristang CPP-NPA-NDF.
Kabilang sa nagpakita ng suporta rito si dating Speaker Pantaleon Alvarez at iba pang opisyal.
Inaasahan na magbibigay ng pahayag si Gov. Jubahib ngayon araw.