HINIKAYAT ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na gumamit ng pampublikong sasakyan sa harap ng pinangangambahang kakulangan ng suplay ng langis.
Sa pinakahuling public address ni Pangulong Duterte, sinabi nito na mas maiging gumamit na lamang ng bus o MRT sa pagbibiyahe partikular sa Metro Manila.
Ito sa gitna ng posibleng maging katayuan ng Pilipinas sa nakukuhang suplay ng langis mula sa ibang bansa.
Saysay ng Punong-Ehekutibo, sakaling magtaas man ng presyo ang oil exporting countries sa halaga ng kanilang isinusuplay na langis, tiyak na mga mayayamang bansa lamang ang may kakayanang makabili.
Inihayag pa ni Pangulong Duterte na talagang magkakaroon ng “reduction of supply” ng langis kung magtatagal pa ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Hindi nagamit na Bayanihan funds, maaaring magamit para sa susunod na COVID-19 surge –Duterte
Sinabihan ni Pangulong Duterte ang Kongreso sa kanyang Talk to The People Address na huwag galawin ang hindi nagamit na p4.99 bilyong pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.
Ito ay dahil sa maaari itong magamit kung sakali mang magkaroon ng panibagong COVID-19 surge sa bansa.
Ayon kay Duterte, ang p4.99 bilyon o 54.96% ng inilabas na pondo para sa Bayanihan 2 na hindi pa nagagastos ay ibinalik na sa Bureau of Treasury.
Ang budget na ito ay dapat na gagamitin upang matulungan ang mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA).