PINANGUNAHAN ni PNP chief Police General Benjamin Acorda, Jr. ang pagdiriwang ng ika-32 anibersaryo ng Police Security and Protection Group (PSPG) ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame.
Ito ay may temang “Serbisyong Nagkakaisa: Ang Pangkaligtasang Pananggalang Hatid ay Malasakit, Ugnayan, at Kapayapaan para sa Kaunlaran”.
Tampok sa aktibidad ang pagpaparangal sa mga natatanging tauhan ng PSPG at special awardees.
Kabilang sa pinarangalan ay si Presidential Adviser on Police and Military Affairs Secretary Roman Felix, dating director ng PSPG.
Sa talumpati ni Acorda, binigyang-diin nito ang mahalagang papel ng PSPG sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga opisyal ng gobyerno, foreign dignitaries, VIPs, at iba pang special guests ng bansa.
Sumasalamin din aniya ito sa hindi natitinag na pangako ng PSPG sa paglilingkod sa publiko nang may integridad, propesyonalismo, at dedikasyon.