Public consultation para sa pagpapaliban ng halalan sa NegOr, umarangkada na

Public consultation para sa pagpapaliban ng halalan sa NegOr, umarangkada na

PERSONAL na tinungo ng mga opisyal ng Commission on Elections (COMELEC) ang Negros Oriental, araw ng Martes Hunyo 27,   upang alamin kung kailangan nga bang ipagpaliban ang halalan sa lugar.

Sa pangunguna ni Commission on Elections (COMELEC) chairman George Garcia, ay magsasagawa ng tatlong araw na public consultation ang ahensiya para sa posibleng pagpapaliban ng Barangay at SK Elections.

Sa ginawang coordinating conference sa umaga ay lumutang ang magkakaibang sentimyento ng mga stakeholders.

Para sa grupo ng mga taga-simbahan, dapat na itong ipagpaliban dahil sa mga nangyaring patayan.

Pero para naman sa grupo ng mga negosyante ay pinalulutang nito ang ideya na gawing localized o ipaubaya na lamang sa mga LGU ang pagpapaliban ng halalan.

Giit ng business group, hindi naman lahat ng lugar sa Negros Oriental ay may problema sa seguridad at pababa na rin anila ang crime rate sa lugar batay na rin sa naunang ulat ng AFP at PNP.

Ayon kay COMELEC chairman George Garcia, ikokonsidera ng ahensiya ang kanilang mga sentimyento at suhestiyon.

Pero ang mahalaga aniya ay kung ramdam ba ng mga lokal ang takot para sa kanilang seguridad na siyang dahilan aniya sa pagsasagawa sa public consultation.

“Yung pagbaba ng crime rate,

 isa lang yan sa mga factor. … Lagi nating tatandaan na ‘wag nating tanggalin sa configuration ang takot sa mga mamamayan. Yung umiiral na takot sa kanilang puso at kalooban,” saad ni George Garcia, Chairman, COMELEC.

Public consultation sa NegOr

Maituturing na marupok ang kalagayan ng kapayapaan at seguridad sa Negros Oriental kasunod ng pagkakapatay kay Governor Roel Degamo at siyam na iba pa noong Marso 4.

Bago ang konsultasyon, sa isang joint statement ay naghayag ang siyam na alkalde sa Negros na nais nilang ipagpaliban ang halalan sa buong probinsya dahil sa isyu sa seguridad.

Sa kanilang pahayag, dapat ipagpaliban ang halalan dahil sa sobra isang dekada na anila itong nababalot ng takot.

Kabilang sa mga lumagda sa joint statement ay sina Pamplona Mayor Janice Degamo, at ang mayor ng Ayungon, Bindoy, Dauin, Dumaguete, Guihulngan, Siaton, San Jose at Tayasan.

Pero sa ginawang public consultation sa Dumaguete City, karamihan sa mga nagsalita ay tutol sa pagpaliban ng halalan sa Negros Oriental.

Maging ang mga tao sa labas ng consultation area ay hindi rin pabor sa pagpapaliban ng eleksiyon.

Ang public consultation ng COMELEC ay isasagawa hanggang Hunyo 29 pero ang desisyon ay inaasahan na ilalabas sa katapusan ng buwan ng Setyembre.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter