NILINAW ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Hydrometeorology Division at ilang ahensiya ng pamahalaan na nakalatag na ang iba’t ibang contingency plans na maaaring gawin sa posibleng epekto ng El Niño sa bansa.
Positibo ang ahensiya na sa ngayon ay walang dapat ipangamba ang mga konsyumer ng Metro Manila sa patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam.
Sa datos ng PAGASA araw ng Lunes, ang pagbaba ng tubig sa Angat Dam ay nasa 199.37 meters.
Bahagyang bumaba kung ikukumpara ang water level ng Angat na nasa 199.76 meter, kahapon ng Linggo, Abril 9.
Nabatid na ang ‘Normal High Water Level’ (NHWL) ng naturang Dam ay nasa 212 meters.
Nilinaw naman ni Ailene Aberlardo, Hydrometeorologist ng PAGASA na wala silang nakikitang dahilan o problema sa ngayon sa suplay ng tubig.
“Ngunit ang elevation na ito, bumaba man siya, mas mataas pa rin siya sa rule curve niya ng 10.13 meters. So, ibig sabihin normal pa yung sinu-suplayan ng Angat Dam para sa domestic use sa Metro Manila and for the irrigation po,” pahayag ni Ailene Aberlardo, Hydrometrologist, PAGASA.
Maliban sa pagbaba ng tubig sa Angat, bumaba rin ang tubig sa 5 pang dams sa nakalipas na 24 oras.
Kabilang ang Ambuklao, Binga, San Roque, Pantabangan, at Magat Dam.
“Itong mga dam na mino-monitor natin ay kasalukuyan ay halos lahat ay nasa pababang trend which is normal sa ganitong panahon especially April, May, June na mga month po natin,” dagdag ni Aberlardo.
Gobyerno, handa na sa posibleng epekto ng El Niño sa mga susunod na buwan—NWRB
Ipinaalam naman ni National Water Resources Board (NWRB) Executive Director Sevillo David na nakahanda na sila sa posibleng epekto ng El Niño.
Aniya, nakikipag-ugnayan na sila sa mga sangay na ahensiya ng pamahalaan tulad ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), at National Irrigation Administration (NIA).
“Naka-ready po tayo para i-implement ‘yung mga contingency plan,” saad ni Sevillo David, Jr. Executive Director, NWRB.
“Una, ‘yung pag-aadjust ng alokasyon, kinakailangan para ma-manage ‘yung kasalukuyang suplay at pangalawa, ‘yung mga deep well ay nakahanda rin iyan pati ‘yung mga portable treatment facilities. Magkakaroon din tayo ng malawakang kampanya para sa water conservation at tinitingnan po natin iyan, kasama po iyan sa paghahanda na tinitingnan natin,” dagdag ni David.
Posible ring magsagawa ng cloud seeding kung kinakailangan.
Aniya, epektibo pa itong pamamaraan upang tugunan ang kakulangan ng tubig sa Angat Dam.
“Ang medyo challenging lang po diyan, kasi sabi nga natin kailangan tumama siya roon sa mga target na water shed,” sabi ni David.
Sinabi rin ng NWRB na makatutulong ang water sources sa Laguna Lake sa gitna ng pinangangambahang kakapusan ng tubig dahil na rin sa inaasahang epekto ng El Niño.
May ginagawa silang hakbang para makatulong ang lawa ng Laguna at maibsan ang inaasahang epekto ng tagtuyot sa ilang mga dam gaya ng Angat.
May treatment facilities sa Laguna Lake na maaaring maglinis ng tubig doon at maka-ambag sa kailangang suplay na magagamit ngayong panahon ng tag-init.
Pinaalalahanan naman ng NWRB official ang mga konsyumer na magtipid sa paggamit ng tubig lalot pinangangambahan ang El Niño phenomenon.
“Panawagan po natin sa mga kababayan po natin sa ngayong panahon na medyo mainit at patuloy ang pagbaba ng lebel ng Angat Dam at dahil may mga pangamba rin tayo ng El Niño at nakikiusap po tayo sa mga kababayan na maging mas responsable po sa paggamit ng tubig. Huwag natin aksayahin at ‘yung tagas sa mga kabahayan ay mas magandang ikumpunihin natin at mag-recycle po kung may pagkakataon. Itong mga ito ay makatutulong sa kasalukuyang sitwasyon po natin na, kailangan po kasi nating imanage ‘yung kasalukuyang supply natin sa mga reservoir natin kagaya ng Angat Dam,” ani David.
Mababatid na sa Angat Dam nagmumula ang mahigit 90% ng suplay ng tubig sa Metro Manila at karatig lalawigan.