MULING pinag-iingat ng opisyal ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang mamamayan tungkol sa paggamit ng makabagong teknolohiya, lalo na ang artificial intelligence (AI).
May mahahalagang payo naman ang CICC para pangalagaan ang personal na impormasyon na ibinabahagi sa internet.
Ang mundo ay unti-unting nagiging digital.
Araw-araw, may sumusulpot na bago at mas pinaganda pang AI apps.
Sino sa inyo ang nakasubok nang gumamit ng ChatGPT?
Ito ay chatbot at virtual assistant na nakaiintindi ng text prompts at sumasagot sa format ng isang chat.
“Kagaya noong GPT 4.0 or kung ano pang ginagamit ninyong GPT na AI para matulungan po kayo sa mga bagay-bagay ‘no – iyong kumbaga noong panahon mayroon ho iyong call center ‘di ba tatawag, one-on-one iyon – may tatawag, may sasagot. And then nagkaroon po tayo ng mga bots na nagtatanong kung ano iyong gusto ninyong malaman; at ngayon, mas matalino na po ang ginawa ng mga malalaking technology company – gumawa na sila ng AI para lahat ng mayroon na ho kayong kumbaga ay i-direct ninyo na iyong question ninyo at iyon na po ang naghahanap ng mga kasagutan at nagsu-solve po para hindi na kailangan ng tao na sumasagot,” saad ni Asec. Mary Rose Magsaysay Executive Director, CICC.
Tunay ngang maraming magandang maidudulot ang pag-usbong ng makabagong teknolohiya tulad ng A.I. dahil pinabibilis nito ang gawain ng tao.
Subalit, paalala sa mamamayan ng CICC, dapat may kaakibat na ibayong pag-iingat sa paggamit ng AI dahil maari ding magdulot ito ng panganib at kapahamakan sa sinuman.
Sinabi ni CICC Executive Director Assistant Secretary Mary Rose Magsaysay na maaari itong maging banta sa lipunan o magamit sa mga ilegal na gawain, lalo na ukol sa personal information.
“When you use AI, we will be onboarding platforms, when you onboard platforms, you will be putting on your personal identifiable information,” wika ni Asec. Mary Rose Magsaysay Executive Director, CICC.
Bukod sa GPT, isa rin sa usong-uso ngayon ang AI image generator apps, kung saan marami ang naaaliw rito.
Mababatid na ang AI image generators ay puwedeng gamitin para gumawa ng fake profiles na mauuwi sa pagnanakaw, social engineering phishing attacks, at iba pang malicious activities.
“Sometimes they will hook you in, it’s free for a certain time and then, they will show you something you can do more, like naka-bikini ka na on the next click, right?” ani Magsaysay.
“But they will charge you. So, it’s fun for some portions, but then, it’s crazy if they are going to be used against you, right? Because then, probably they will use your face and they will put you, nakabomba ka na or something. And then, you know, so many have been victimized by this kind of akala mo filter lang pero talagang pino-fuse nila iyong face at saka iyong body, right? And sometimes, they fuse the lips, saying fake news,” ani Magsaysay.
Publiko, pinayuhan na gumawa ng account na ‘di naka-link sa personal at work emails sa gitna ng paggamit ng AI
Samantala, pinayuhan ng CICC ang publiko na kapag gumamit ng AI, ay siguraduhin ding gumawa ng account na hindi naka-link sa personal at work emails n’yo.
At mas mainam na gumawa ng specific account na gagamitin lamang pang-onboard sa AI platforms.
Iminungkahi rin ng CICC na gumamit din ng ibang contact number na nakatuon lamang para sa paggamit ng AI platforms.
Nagpayo rin ang CICC na maging masiyasat tungkol sa rating, kompanya at iba pang detalye ng isang AI platform bago ito gamitin.
Ipinahayag ng CICC official na tuluy-tuloy ang pagtutok nila sa usaping ito.
Ang problemang ito ayon sa CICC, ay patuloy na talamak, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang panig ng mundo.