Pulis-QCPD na kinasuhan ng PNP nanindigang susundin lang ang batas

Pulis-QCPD na kinasuhan ng PNP nanindigang susundin lang ang batas

TULOY ang paninindigan ni Patrolman Francis Steve Fontillas na hindi siya susunod sa anumang utos ng tao kundi sa batas lamang.

Handa rin siyang humarap sa korte kaugnay ng kasong inihain laban sa kaniya, ngunit nilinaw niyang wala siyang sinabing pababagsakin niya ang kasalukuyang gobyerno.

“Ako Sir, pulis ako, pero hindi ako pulis ng kahit sino. Nagsisilbi ako sa bayan dahil ang pinapanindigan ko, Sir, ay ‘yung batas—kung ano ang nasa Konstitusyon. Kahit si Bongbong pa ang presidente natin o kahit si Duterte pa ang presidente natin, kung mali ‘yung inuutos nila, hindi ko susundin ‘yan, Sir. Kahit sino pa ang tatayong presidente, never akong susunod sa mali na against sa batas,” ayon kay Pat. Francis Steve Fontillas, QCPD.

Sa kabila ng negatibong reaksiyon mula sa pamunuan ng PNP, hindi pa rin patitinag si Patrolman Francis Steve Fontillas sa kaniyang paninindigan sa kung ano ang alam niyang tama at naaayon sa batas.

Ang mga pahayag na ito ay resulta pa rin ng kaniyang pagkadismaya sa maling paraan ng pag-aresto ng PNP kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na ngayo’y nasa kamay na at nililitis ng mga dayuhan sa The Hague, Netherlands.

Giit ni Fontillas, walang kinalaman kung sino ang nakaupo sa gobyerno—kung mali ang pamamaraan at hindi naaayon sa batas, hindi niya ito susundin, anuman ang mangyari.

Basta’t ang tanging alam niya, hindi sumunod sa batas ang gobyernong Marcos Jr. habang inaaresto si dating Pangulong Duterte—at iyon ang hindi nakita ng mismong tagapagpatupad ng batas, ang PNP.

“‘Yung pinaglalaban ko lang, isa—dapat doon lang tayo sa tama. Kung may order man ‘yan na galing sa taas, isipin muna natin kung lawful ba ‘yung order na ‘yon bago natin sundin. Kasi ‘yun ang sabi sa batas, eh. Only follow lawful orders, ‘di ba?” dagdag ni Fontillas.

Pero sa panig naman ng PNP, paulit-ulit rin nitong sinabi na naaayon sa Police Operational Procedure ang ginawang pag-aresto kay Duterte sa kabila ng patuloy na pagkuwestiyon sa usapin ng legalidad.

Tangkang pabagsakin ang gobyernong Marcos Jr., hindi totoo—Patrolman Fontillas

Kaugnay naman sa kinakaharap na kaso ni Fontillas, mariin niyang pinabulaanan na may sinabi siyang pababagsakin niya ang gobyernong Marcos Jr. sa kabila ng hindi niya pagsang-ayon sa ilang polisiya nito, lalo na sa PNP.

“‘Yung sinasabi na inciting to sedition daw ‘yung ginawa ko—walang-wala ‘yun kahit sa korte pa kami mag-usap. Walang element ng sedition sa ginawa ko, Sir. Hindi ako nag-speech, walang audience noong ginawa ko ‘yun, kasi naglabas lang ako o nag-express lang ako ng stand ng principles ko that time, ayon sa mga isyu sa gobyerno, sa pag-aresto kay Duterte. It’s just about my stand. It’s my stand, kung ano ‘yung pinapanindigan ko, Sir, wala nang iba. Hindi ako naghihikayat ng rebelyon—ano ‘yon? Pulis pa rin ako ng Pilipinas, ayokong magkagulo ang Pilipinas,” ani Fontillas.

Pulis-QCPD na kinasuhan ng PNP, hindi magre-resign

Samantala, sa nasabing panayam, nanindigan si Fontillas na hindi siya magbibitiw sa pagiging pulis dahil lang sa mga alegasyon laban sa kanya.

Giit nito, wala nang matitirang matinong pulis kung ang mga kagaya niya ay iiwan ang PNP sa gitna ng mga maling ginagawa ng pamahalaan.

“Kung magri-resign ako, e ‘di wala nang matitinong pulis na matitira. So, hindi ako magri-resign, Sir,” aniya.

Sa ngayon, wala pa namang opisyal ng PNP ang tumatawag sa kaniya kaugnay ng kaniyang kinakaharap na kaso, ngunit handa naman siyang sagutin ito sa korte.

“Hinahamon ko nga sila, Sir, eh. Kasuhan nila ako at sasagutin ko sa korte,” aniya pa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble