INIUTOS na ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang pagtatanggal sa pwesto kay QCPD Police Corporal Moises Yango, ang pulis na kasama sa pagnanakaw.
“Hindi karapat dapat na maging pulis.”
Ganito inihalintulad ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar si Yango matapos mahuli itong nagnakaw sa isang branch ng LBC sa San Ildefonso, Bulacan.
Kaugnay nito, agad na pinasisibak sa pwesto ni Eleazar ang nasabing tiwaling pulis.
Batay sa ulat ng San Miguel Municipal Police Station, nakabase si Yango sa Camp Karingal sa Sikatuna Village, Quezon City.
Kamakailan lang nang makatanggap ng report ang San Miguel Police na may nangyaring nakawan sa isang branch ng LBC sa Barangay Camias.
Papatakas na sana ang suspek na nakasuot ng itim na bonnet at orange na helmet sakay ng motorsiklo na walang plaka.
Narekober kay Yango ang isang granada, 9mm na Pietro Beretta, PNP ID, driver’s license, iba pang IDs at cash na P5,000 na hinihinalang nakuha nito sa pagnanakaw.
Nahaharap ngayon si Yango sa kasong robbery at illegal possession of explosive.
Samantala, tiniyak ni PNP Chief Gen. Eleazar na hindi na makababalik sa serbisyo ang naturang pulis.
Ayon pa kay Eleazar, hindi aniya dapat na tularan ang mga ganitong alagad ng batas, lalo pa’t baguhan palang ito sa serbisyo.
Giit ni Eleazar, ikinahihiya nito ang mga kahalintulad na mga insidenteng kinasasangkutan mula sa hanay ng PNP.
Kaya naman, tiniyak nito na hindi na mauulit ang mga ganitong insidente sa mga bagong papasok na miyembro ng PNP sa ilalim ng bagong QR code system sa pag-recruit ng ahensya.
(BASAHIN: Intensified Cleansing Policy tutukan ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar)