NAGBABALA ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga pulitiko sa kahaharaping parusa kapag nalabag ang mga panuntunan o COMELEC resolution ukol sa pangangampanya.
Sa susunod na linggo aarangkada na ang campaign period ng mga kakandidato sa darating na halalan.
Kaugnay nito, may paalala ang pamahalaan sa mga magsasagawa ng kani-kanilang aktibidad bilang pangangampanya ngayong patuloy pa rin ang nararanasang pandemya.
Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na katuwang ang ahensya kasama ang Philippine National Police (PNP) ng Commission on Elections (COMELEC) para sa pagpapatupad ng mga panuntunan kaugnay ng pangangampanya.
Ayon kay DILG Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, ang COMELEC Resolution No. 10732 ay mas mahigpit pa aniya sa mga resolusyon na iniisyu ng Inter-Agency Task Force o sa guidelines ng local government unit (LGU) tungkol sa mass gathering at iba pang aktibidad.
Kaya, panawagan ni Malaya sa mga kandidato at kanilang supporters, basahing maigi ang COMELEC resolution dahil nakasaad dito ang mga ipinagbabawal at mga pinapahintulutang aktibidad.
“Ang sabi po ng COMELEC sa DILG, the campaign must be done utilizing a ‘no contact’ policy. Ibig pong sabihin, bawal po iyong mga handshake, hugs, kisses, arm in arm or any action that involve physical contact among their candidates, their companions and the public ‘no,” pahayag ni Usec. Jonathan Malaya, Spokesperson, DILG
Humihingi rin ng tulong ang DILG sa mga pulitiko, kanilang mga tagasuporta at political parties na sundin ang itinakdang mga pamantayan.
Ito’y dahil ang anumang paglabag sa mga alituntunin at regulasyon na ini-implementa ng COMELEC ay isang election offense.
Inilahad naman ni Malaya na mayroon nang direktiba si DILG Secretary Eduardo Año sa kapulisan at sa mga LGU na magtalaga ng mga tao o law enforcement officers, para masunod at ma-implementa ang resolusyon ng COMELEC.
Pagdating naman sa penalties, ang parusa sa paglabag sa COMELEC resolution ay nakadepende sa aniya’y ‘nature of the violation.’
Ibinahagi pa ng DILG ang parusang kahaharapin ng mga ito kapag nalabag ang Section 87 kaugnay ng rallies, meeting, o political activities, o kaya’y Section 88 on public rallies, o Section 89 on transportation, food, and drinks.
Sabi ni Usec. Malaya, ang penalty sa mga violation ng mga nabanggit na panuntunan ay pagkakakulong ng hindi bababa sa isang taon, pero hindi rin lalagpas ng anim na taon ‘with no right of probation’.
Mayroon ding disqualification to hold public office at hindi na rin puwedeng bumoto.
Kung ang mga violations naman ay ukol sa paglabag sa minimum public health standards, ang penalty ay pagkakakulong ng hindi bababa sa isang buwan, at hindi naman sosobra pa sa anim na buwan.
Maaari ring pagmultahin ng hindi bababa sa P20,000 na halaga pero hindi rin hihigit sa P50,000 o parehong multa sa ilalim ng diskresyon ng korte.
Nanawagan ang ahensya na magtulungan kasama ang COMELEC maging ang mga kandidato at ang kanilang supporters at political parties para maging matiwasay ang pangangampanya sa gitna ng pandemya.