BINABALAAN ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang mga drayber ng pampublikong sasakyan na huwag munang magpatupad ng agad na taas-pasahe hangga’t wala pang go signal para dito.
Sa Laging Handa Public Briefing, ipinaalala ni LTFRB Executive Director Kristina Cassion sa mga tsuper at operator na wala pang pinal na desisyon sa hirit na taas-pasahe.
Mananatili aniyang 9 pesos ang kasalukuyang minimum fare.
Ani Cassion, maituturing na overcharging ang sobrang paniningil at ito ay may kaakibat na penalty.
Sa first offense, P5,000 ang multa habang sa second offense ay P10,000 at impounding ng sasakyan.
Sa third at subsequent offense naman ay P15,000 ang multang ipapataw at posibleng isuspinde o kanselahin pa ang prangkisa.
“Kaya po tinatawagan namin iyong ating mga operator and driver na sana kung ano lang po iyong tamang singil, kung ano iyong nakalagay sa fare matrix ninyo, iyon lang muna iyong ating isingil doon sa publiko,” wika ni Cassion.
Hinikayat naman ng LTFRB ang mga komyuter na nakararanas ng labis na paniningil sa pamasahe na magsumbong at tawagan ang hotline 1342.
Mag-iisyu ng show cause order ang ahensya at ipatatawag ang operator.
Kapag napatunayan na lampas ang sinisingil sa minimum fare na ₱9 pagmumultahin ang mga ito.
“Hindi ibig sabihin na hindi caught in the act ng ating mga enforcer na nag-o-overcharge sila ay hindi na sila papatawan ng overcharging na penalty,” banggit ni Cassion.
Gayunpaman, nagbigay ng garantiya ang LTFRB na pagkatapos ng march 22 ay makapaglalabas na sila ng pinal na desisyon para sa panawagan ng mga driver na dagdag pasahe.
Matatandaang ilang linggo nang nangangalampag ang mga driver at operator ng mga pampublikong sasakyan para pansinin ang panawagan nilang karagdagang pasahe.
Sa ngayon habang hindi pa makapaglabas ng pinal na desisyon ay nakatakda namang simulan ang fuel subsidy program at service contracting program ng pamahalaan.
Mahigpit naman ang ginagawang koordinasyon ng LTFRB sa Department of Budget and Management (DBM) upang mai-release ang pondo para sa mga nabanggit na programa.
DBM, minamadali na ang proseso sa paglalabas ng pondo para sa fuel subsidy program
Muling sinigurado ng DBM na minamadali na nila ang pag-release ng pondo para sa fuel subsidy kasabay ng madalas na pagpa-follow up nila sa Department of Transportation (DOTr) hinggil dito.
Ayon kay DBM acting Secretary Tina Rose Canda, hinihintay na lang nila ang joint memorandum circular ng DBM, DOTr, at Department of Energy (DOE).
Inaasahan namang sa linggong ito o kaya’y early next week ang paglalabas ng naturang budget.
“Nakaumang na actually iyong mga release documents. So, once ma-provide namin – parang ang sabi ni Secretary Tugade nira-route pa na daw nila – once na makarating sa amin iyon pipirmahan kasi nakita na namin iyong draft and then isasabay na namin iyong release documents for that, iyong P2.5 billion,” ani Canda.
“Nakikiusap lang kami ng kaunting pasensiya, pero talagang minamadali na namin ito. Medyo hindi lang kami makagalaw dahil may mga batas na kailangan naming tuparin bago namin ma-release itong pondong ito,” dagdag nito.
Ang mga ginagawang hakbang aniya ay patunay na ang LTFRB, DOTr, at ang national government ay patuloy na naghahanap ng solusyon.