RACE campaign ng SSS Luzon Central 1, binisita ang 144 employers

RACE campaign ng SSS Luzon Central 1, binisita ang 144 employers

SA loob ng anim na buwan, 16 na Run After Contribution Evaders (RACEs) campaign ang naisagawa ng SSS Luzon Central 1 para bisitahin at paalalahanan ang 144 employers na non-compliant sa kanilang obligasyon.

Ibinahagi ni Vilma P. Agapito, Vice President, Luzon Central 1 Dagupan na nasa mahigit

P15-M ang kabuuan ng contribution delinquency ang kanilang naitala mula sa delinquent employers at P3.1-M o 1/3 ang nakolekta na.

Sa 144 employers na binisita, 92 rito ang non-compliance habang 52 ang non-registration.

 “We conducted 16 RACEs, ang nabisita naming employers from January up to this day is 144 employers. Ang total amount ng delinquency involved is more than P15-M. At nakakolekta na po tayo ng P3.1-M in a total amount of delinquency,” pahayag ni Vilma P. Agapito, SSS VP Luzon Central 1, Dagupan.

Ayon naman kay Atty. Vic Byron T. Fernandez, Department Head III, Luzon Central 1, Legal Dept., bibigyan ng pagkakataon ang mga non-compliant employer na makapag-comply sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanila ng demand letter na dapat matugunan sa loob ng 15 araw.

 “’Yung mga employers po natin na non-compliant, binibigyan po namin sila bago kami magsampa ng kaso, nagpapadala po kami ng demand letter. Binibigyan pa namin sila ng isa pang pagkakataon para mag-comply sila sa kanilang obligasyon,” ayon kay Atty. Vic Byron T. Fernandez, Department Head III, Luzon Central 1, Legal Dept.

Mga non-compliant employers na bigong tumalima sa demand letter ng SSS, mahaharap sa kasong krimen

Kapag bigo naman aniyang mag-comply ang isang employer sa ibinigay na 15 araw ay magsasampa sila ng kaso sa Prosecutors Office.

“Kung makita po ng Prosecutor’s Office na may probable cause na tinatawag, i-aakyat din po nila ‘yan sa korte. Pagdating sa korte, mag-i-isyu ng warrant of arrest ‘yung court para arestuhin ‘yung employer,” ani Fernandez.

Kung sakali man ayon kay Fernandez na mag-comply ang isang employer bago pa man ito ma-convict ay iuurong ng SSS ang kanilang kaso laban dito, ngunit kapag na-convict at saka pa nagbayad ay hindi na maiuurong pa ang nasabing kaso.

Aabot naman hanggang anim na taon at isang araw ang parusa sa mga nasentensiyahang mga employer at ayon kay Fernandez meron nang nasampulan sa mga kasong kaugnay rito.

“Na-convict siya, saka siya nagbabayad. Tinanggap namin. Ma-i-uurong pa ba namin ang demanda? Hindi na po,” aniya.

Kaya naman pinaaalahanan ng SSS Luzon Central 1 Dagupan ang mga employers na mag-settle na sa kanilang obligasyon sa SSS para hindi na umabot pa sa pagkakaso.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter