Re-supply mission ng AFP sa Ayungin Shoal, itutuloy sa susunod na linggo

Re-supply mission ng AFP sa Ayungin Shoal, itutuloy sa susunod na linggo

ITUTULOY ng pamahalaan ang pagsusuplay ng mga pagkain, tubig at langis sa mga sundalong nakabase sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa susunod na linggo.

Sa kabila ng nangyaring water attack ng Chinese Coast Guard vessel sa isang barko ng Pilipinas.

Dalawang linggo na lamang ang natitira at mauubos na ang suplay ng mga sundalong nakadestino sa Ayungin Shoal.

Kaya naman, todo-plano ngayon ang pamahalaan kung sa papaanong paraan ihahatid ang mga ito sa mga tropa ng gobyerno na nagbabantay sa nasabing isla.

Kasunod ito ng naganap na pag-atake ng Chinese Coast Guard vessel sa isang barko ng Pilipinas na patungo sana sa Ayungin noong Agosto 6, 2023.

Sa kaniyang kauna-unahang command visit sa Western Command, Palawan ni AFP chief of staff General Romeo Brawner Jr., tiniyak ni Navy Vice Admiral Alberto Carlos na sisikapin nilang magtungo muli sa Ayungin Shoal para maihatid ang mga pangangailangan ng mga sundalo doon sa susunod na linggo.

Sa gitna ng insidente na ito sa pagitan ng Chinese Coast Guard at Philippine Coast Guard, muling iginiit ni AFP Chief General Brawner na hangga’t maaari hindi mauuwi sa giyera ang anumang hakbang ng pamahalaan sa mga karagatan natin lalo sa mga pinag-aagawang isla sa West Philippine Sea.

Ani Brawner, hindi aniya solusyon ang giyera o paggamit ng armas para tapusin ang isyu ng agawan ng teritoryo bagkus idaan pa rin sa tamang diplomasya hangga’t may pagkakataon.

“Ang sinabi natin, we are strongly condemning the actions done by the Chinese militia,” pahayag ni General Romeo Brawner Jr., Chief of Staff, AFP.

Sa ngayon, aminado ang AFP na kulang anila ang mga kagamitan ng bansa kung kayat maliit lamang ang puwersa nito pagdating sa presensiya ng militar sa mga islang pinprotektahan ng Pilipinas.

Kung kayat, nananawagan sila ng suporta ng pamahalaan na dagdagan ang kanilang pondo para sa mas epektibong modernisasyon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

“Kayat napakahalaga…na masuportahan ng ating gobyerno,” dagdag ni Gen. Bawner.

Samantala, sa kabila ng paulit-ulit na pangha-harass na ginagawa ng ibang bansa sa Pilipinas lalo na sa West Philippine Sea, hinimok ng mga sundalo ang publiko na walang dapat ipag-alala ang mga ito sa kanilang kalagayan dahil bahagi lamang anila ito ng trabaho.

Hindi rin maaapektuhan anila ang kanilang mandato na ipagtanggol ang karapatan ng mga Pilipino sa lahat ng sitwasyon.

Si Lt. Junior Grade Richard na isa sa mga kasama sa re-supply mission, bagamat ikinagulat nila ang biglaang pag-atake sa kanilang bangka nananatili pa rin silang matatag sa kanilang tungkulin kahit anong mangyari.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble