Realignment sa pondo ng Naga ipatutupad para sa bakuna

Realignment sa pondo ng Naga ipatutupad para sa bakuna

PRAYORIDAD ng pamahalaang lungsod ng Naga ang vaccination program at dahil dito nag realign ng pondo ang siyudad upang ilagay sa karagdagang budget pambili ng mga bakuna.

Naniniwala ang liderato ng siyudad ng Naga na ang bakuna ang susi para maging matagumpay ang lungsod laban sa COVID-19 at makabalik na rin sa normal ang pamumuhay ng mga Nagueño.

Nagsagawa ng realignment ang gobyerno lokal ng siyudad ng Naga ng pondong nakalaan sana sa isasagawang musical water fountain na nagkakahalaga ng 13 milyong piso bilang karagdagang pondong ipambibili ng mga bakuna.

Ngunit aminado ang lokal na pamahalaan na kulang pa ang suplay ng mga bakuna. Dahil umaasa lang ang siyudad sa mga bakunang nanggagaling sa gobyerno nasyonal.

Nauna nang iniulat na nag order na ang lokal na pamahalaan ng 180,000 na AstraZeneca vaccines subalit hindi na ito pinaunlakan mabigyan ng suplay ngayong taong 2021 dahil sa kakulangan nito dulot na rin sa global demand.

Sa ngayon ang siyudad ay nakipag usap sa DistriPhil, isang authorized vaccine distributor ng Covaxin at ayon sa huling ulat umabot sa 50,000 dosses ang inorder para sa 25,000 katao.

Ang Covaxin ay napag alamang gawa sa Bharat Biotech na matatagpuan sa India at mayroon ng EUA mula sa FDA noon pang April 19, 2021. Ngunit posibleng maging available ito sa buwan pa ng Hulyo 2021.

Samantala, patuloy ang naitatalang nagpopositibo sa siyudad ng Naga kung kaya’t walang humpay ang paghihikayat ng gobyerno lokal sa mga Nagueño na magpabakuna sakaling may sapat ng suplay nito sa siyudad.

(BASAHIN: Ayuda at COVID care kit ipinamahagi para sa mga apektado ng house lockdown sa Naga)

SMNI NEWS