SA panayam ng media kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa sideline ng kaniyang state visit sa Vietnam, sinagot nito ang tanong tungkol sa relasyon nila ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte.
Sinabi ni Pangulong Marcos na walang nagbago o walang naging lamat sa kanilang relasyon ng bise presidente.
Ito’y sa kabila ng mga binitawang pahayag ng ilang miyembro ng pamilya ni VP Sara laban kay Pangulong Marcos.
Sa tanong naman kung pananatilihin niya si VP Duterte bilang DepEd Secretary, sabi ni Pangulong Marcos, tiwala at kumpiyansa pa rin siya kay VP Sara.
“Well, it’s exactly the same because she has…of that nature. And wala naman siyang sinasabi na ganyang klase. So hindi naman nagbabago,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Naniniwala rin ang Punong-Ehekutibo na buo pa rin ang “Uniteam” nila ni Vice President Duterte.
“Well, I think so. I believe so because if you remember Uniteam is not just one party or two parties or three parties. It’s the unification of all political, hopefully all the political forces in the Philippines to come together for the good of the country. And that is still there. It is still vibrant, it is still working, and we will continue,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Pangulong Marcos Jr., balik Pilipinas na matapos ang kaniyang 2-day state visit sa Vietnam
Si Pangulong Marcos ay nakabalik na ng Pilipinas mula sa kaniyang dalawang araw na state visit sa Vietnam na naglalayong palakasin ang bilateral na relasyon ng dalawang bansa.
Dumating si Pangulong Marcos sa Villamor Air Base alas-3:30 ng umaga nitong Miyerkules, Enero 31.
Sa kaniyang arrival statement, binalangkas ni Pangulong Marcos ang kaniyang mga opisyal na pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang grupo, kapwa sa gobyerno at sa sektor ng negosyo.
“I am pleased to inform you and the Filipino people of the outcomes of the state visit to the Socialist Republic of Vietnam. The state visit aim to further strengthen our strategic partnership with Vietnam,” aniya.
Sa kaniyang naging pagbisita sa Vietnam, nakipagpulong si Pangulong Marcos kay President Vo Van Thoung.
Tinalakay ng dalawang lider ang mga usapin sa larangan ng maritime, depensa, kalakalan at pamumuhunan, ekonomiya, edukasyon, turismo, at kultura.
Pareho namang sinaksihan ng dalawang pinuno ang pagpapalitan ng mga kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam.
Kabilang ang tungkol sa bigas, agrikultura, kultura, at kooperasyong pandagat.
Nagkaroon din si Marcos ng hiwalay na mga pagpupulong kasama ang Prime Minister at ang National Assembly Chairman ng Vietnam.
Napag-usapan nila ang pagpapalakas ng
bilateral relations, people-to-people exchanges, parliamentary cooperation, at iba pa.
Bukod dito, nakapulong din ni Pangulong Marcos ang ilang Vietnamese business leaders.
“In my dialogue with Vietnamese business leaders they expressed interest in expanding their businesses in the Philippines as well as exploring cooperation with our business sector in various traditional and non-traditional economic activities,” ayon pa sa Pangulo.
Samantala, nagkaroon din ng pagkakataon ang Punong Ehekutibo na makipagkita sa Filipino community sa Vietnam.