Residential building sa Muntinlupa, isinailalim sa extreme localized quarantine

Residential building sa Muntinlupa, isinailalim sa extreme localized quarantine

DAHIL sa patuloy na paglobo ng coronavirus disease sa lokal na pamahalaan ng Muntinlupa, ilan sa mga lugar nito ay isinailalim sa extreme localized community quarantine.

Isinailalim ngayon ng extreme localized community quarantine ang isang residential building dahil sa tumataas na bilang ng tinatamaan ng COVID.

Sasailalim sa 14th day quarantine ang Building 17 ng Filinvest Socialized Housing sa Barangay Alabang simula  Agosto 19 hanggang  Setyembre 2.

Nilinaw naman ni Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi na ang nasabing lockdown ay mismong sa Bldg 17 lamang at hindi sa buong complex.

Pinaalalahanan naman nito ang mga residente sa katabing building na sundin ang mga pre-cautions at ang minimum health protocols na ipinatutupad kagaya ng physical distancing, pagsusuot ng facemask, face shield at paghuhugas ng kamay.

Hanggang  Agosto 17, nakapagtala ng 7 active cases mula sa nasabing gusali na may populasyon na 115 habang ang attack rate nito ay tumaas sa 608.69 sa bawat 10,000 population mula sa 437.78 na populasyon noong nakaraang linggo.

Sinabi naman ni Muntinlupa City Health Office Chief Dr. Juancho Bunyi na napagdesisyunan ng lungsod ang pagkakaroon ng ELCQ sa nasabing building dahil sa clustering cases ng virus kung saan high risk dito ang mga senior citizens, persons with disabilities at mga bata na 5 taong gulang pababa.

Dagdag pa ni Dr. Bunyi, hindi na rin nasusunod ang tamang pagsusuot ng facemask at social distancing sa nasabing building, makakalabas lamang aniya ang mga tao kung ito ay may emergency.

Papalakasin pa aniya ng CHO ang mass testing at contact tracing habang mamahagi naman ng food packs at ilang basic needs mula sa City Social Service Department.

Ilang lugar naman sa Katarungan Village, Brgy. Poblacion, Brgy. Sucat, Brgy. Putatan, Brgy. Alabang at Brgy Tunasan ang napasailalim sa ELCQ.

Hanggang Agosto 18, umabot na sa 17, 312 ang confirmed cases, 14, 872 ang naka-recover, 2,028 ang active cases, 412 ang namatay, 28 ang suspect cases, 2,368 ang probable cases ang naitala ng Muntinlupa LGU.

SMNI NEWS