PAGAGANAHIN ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang revitalized pulis sa mga barangay para magpatrolya sa mga residential areas habang abala ang mga tao sa pagbisita sa puntod ng kani-kanilang mga mahal sa buhay ngayong panahon ng Undas.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, kabilang ang mga ito sa mahigit 18 libong pulis na ipakakalat sa Metro Manila para bantayan at tiyakin ang maayos at mapayapang paggunita ng Undas ngayong taon.
“Yes, kasama ‘yan sa security template na pinatutupad, ‘yung ating revitalized pulis sa barangay ay iaactivate ‘yan at katuwang natin ‘yung mga barangay peacekeeping action teams, force multipliers na magbabantay. ‘Yung mga pulis natin sa barangay sila ‘yung magsisilbi na mga supervisors ng ating mga force multipliers at ‘yung ating mga mobility assets ay gagamitin rin natin ‘yan para mag roving at mag patrol at malaking bagay sa ating mga station commanders, mga cops na naiintindihan nila ‘yung security environment sa kanilang lugar,” pahayag ni PBGen. Jean Fajardo, Spokesperson, PNP-PIO.
Samantala, pinalilimitahan ng mga awtoridad ang publiko sa pagpo-post online ng mga lakad o travel details ngayong long weekend.
Ito’y upang makaiwas na makahikayat ng mga masasamang loob o magnanakaw oras na malaman ng mga ito na walang iniwang tao o bantay ang isang bahay.
“Hangga’t maaari ay iwasan nila mag post ng kanilang itinerary, ‘yung kanilang pag-tatravel sa kanilang mga respective social media kasi may mga cybercriminals na rin tayo na nagbabantay sa cyberspace at makikita nila doon na naka-post ang inyong plane tickets, bus tickets at pati na rin doon sa kanilang pinagbabakasyunan or sa lugar na pupuntahan nila ay parang inannounce na rin natin na walang tao doon sa kanilang mga bahay. So hangga’t maaari iwasan natin ‘yung tinatawag nating at the moment na mga post,” dagdag ni Fajardo.
Ayon sa PNP, maaari namang i-post ang mga mahahalagang larawan o aktibidad pakatapos na lang ng okasyon.
“Puwede naman siguro ‘yan after na lang at nakabalik na sila sa bahay maipost ‘yung kanilang mga significant activities during the long weekend and itong Undas,” aniya.
Pinapayuhan din ang publiko kung kaya na mag install ng CCTV camera sa mga tahanan ay mas mainam anila upang mapigilan ang anumang balakin ng mga kriminal sa mga walang budget, mas mainam din aniya na isarado nang maayos ang mga pintuan, bintana, gumamit ng kandado, at iiwan sa mapagkakatiwalaang tao ang tahanan.