Rice Competitiveness Enhancement Fund program ng DA, planong palawigin

Rice Competitiveness Enhancement Fund program ng DA, planong palawigin

MATAPOS ang limang taon, plano ngayong palawagin ni Sen. Cynthia Villar, Chairperson ng Senate Committee on Agriculture and Food ang programang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ng Department of Agriculture (DA).

Ito ang ipinahayag ni Sen. Villar sa ginanap na Philippine Rice Research Institute (PhilRice) Annual Review Extension programs na ginanap sa Central Experiment Station ng PhilRice sa Science City of Munoz, Nueva Ecija kamakailan.

“So this 2024, I have to file a bill to renew the rice competitiveness enhancement fund, siyempre pag mag-renew ka, you have to justify and so they have to make a report on how they improved the productivity and how they improved their computation para bumaba ‘yung presyo ng pag prodyus nila ng rice at lumaki ang kita ng mga farmers at lumaki ang production ng rice para bumaba ang importation,” ayon kay Sen Cynthia Villar.

Sa naturang pagpupulong inihayag ng ahensiya na sa nakaraang dry season noong 2023 ay tumaas sa 4.36 tons per hectare mula sa 3.63 tons per hectare noong 2019 ang ani ng mga magsasaka.

Dagdag ng PhilRice, umabot na sa 15.85-M bags ng certified inbred seeds ang naipamahagi sa 2-M farmer beneficiaries sa 77 probinsiya sa bansa mula noong dry season ng 2020  hanggang  katapusan ng Enero 2024.

Umabot din sa 2-M ektarya ng lupang sakahan ang natamnan sa buong bansa.

Matatandaan na si Villar ang principal author at proponent ng Rice Tarrification Law o Republic Act 11203 na lumikha sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na naglalayong matulungan ang mga magsasakang Pilipino na makipagsabayan sa mga karatig-bansa sa larangan ng pagsasaka sa pamamagitan ng mechanization program at pamamahagi ng mga certified inbred seeds sa mga magsasaka.

Ang RCEF ay may taunang pondo na P10-B kung saan ang P5-B ay ipinagkakaloob sa PhilMech, P3-B sa PhilRice, P1-B sa Land Bank at PNB at P1-B para sa suportang pang-edukasyon at pagsasanay ng PhilMech, PhilRice-ATI at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble