LAHAT ng SIM card na mula sa Pilipinas na prepaid, post paid, at maging naka-roaming ay dapat maiparehistro base sa bagong batas na SIM Card Registration Act.
Halos isang dekada na rin si Anna Lissa Galdo na nagtatrabaho bilang isang domestic worker sa bansang Malaysia.
Aniya, upang mas mahusay ang pagpapadala ng pera sa kaniyang pamilya ay pinili niya ang mag-avail ng roaming SIM card para mapadali ang kaniyang online banking transactions.
At ngayong nalagdaan na ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. at ganap nang batas ang SIM Card Registration Act ay walang ibang ninanais si Anna Lissa kundi ang matugunan ang mga agam-agam gaya nilang mga overseas Filipino worker (OFW) sa bagong batas.
“Siyempre yung may privacy protection hindi ko alam kung paano ‘yun gagawin kasi nga tulad ko ginagamit ko siya sa online banking,” pahayag ni Galdo.
“Kasi pagsinabi i-register ang SIM card mo siyempre lahat ng details mo nandoon kasi ‘yan din ang details na makikita sa account mo pwede nila ma-hack ito,” aniya pa.
Dagdag ni Anna Lissa, kahit nasa Malaysia siya ay nakatatanggap din siya ng mga text mula sa mga scammer at spammer sa kaniyang roaming SIM card.
“Hanggang ngayon nga eh matagal ko nang roaming ito ang daming nagme-message nananalo ako kesyo ng ganitong halaga, milyun-milyon kontakin si pulano si pulana alam ko na scam ito paano nila maiwasan at hindi ma-access ang private details,” aniya pa.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na lahat ng SIM cards na galing sa Pilipinas ay kailangan mapa-rehistro base sa RA 11934 o SIM Card Registration Act.
“Opo ‘no. All SIM cards that are connected to our telcos will be part of the SIM card registration. So ang mangyayari po, if they are out of the country, they will receive a text message from the telcos themselves na, “Okay, please go to this site or open the app.” Most of the telcos already have their own apps, so nasa app ninyo na. So log in to those apps and sign in to just verify your identity,” pahayag ni Secretary Ivan John Uy ng DICT.
Naniniwala ang pamahalaan na sa pamamagitan ng bagong batas ay matutuldukan ang pagtanggap ng mga spam text at maprotektahan ang publiko mula sa mga hackers.
Samantala, payo ng DICT sa mga kababayan nating nais buhayin ang mga hindi na gumagana na SIM cards na bumili na lamang ng bago.