BINIGYANG-diin ng actor, singer at army reservist na si Ronnie Liang na hindi lang ‘pa-display’ ang kaniyang pagbibigay serbisyo sa bayan sa pamamagitan ng Philippine Army (PA).
Komento ito ni Liang sa gitna ng mga natatanggap na bashing ng mga celebrity army reservist.
Aniya, sa Instagram post nito kamakailan, bilang isang reservist, mayroon silang responsibilidad na tumugon sa tawag ng tungkulin kung kinakailangan at wala silang inaasahang kapalit.
Ibinahagi nito na sumasailalim din sila ng training upang maging handa tuwing kinakailangan.
Dahil dito, hiling ngayon ni Liang, huwag sabihin na walang kwenta ang mga celebrity reservist dahil nakikiisa rin sila sa humanitarian missions at disaster response.