IBINUNYAG ni former Duterte Spokesman Harry Roque na nakasalalay ngayon ang kabuhayan ng mga taga-ICC kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
“Wala na po talagang ibang kasong nililitis itong ICC kundi si Tatay Digong. Ibig sabihin, ‘yung sweldo ng mga huwes, ng mga investigators, ng mga court personnel, lahat po ‘yan ay pupwedeng malagay sa aberya kung wala nang kasong nililitis,” saad ni Atty. Harry Roque, Former Presidential Legal Counsel.
Sa December 9, 2024 report ng Court House News Service, napag-alaman na bumaba ang budget na natanggap ng ICC taong 2024.
Pinuna rin ng Assembly of States Parties na siyang oversight body ng ICC ang International Criminal Court dahil walang nangyaring trial sa mga imbestigasyong inilunsad nila sa 12 bansa.
Matindi rin ang ‘Trump sanctions’ ng US Government laban sa ICC.
Frozen ang assets ng mga matataas na opisyal nito, banned sa pagpunta sa U.S. at bawal ang pagtanggap ng donasyon kasama ng iba pang mabibigat na parusa.
Kaya ani Roque, sinasalba ngayon ni FPRRD ang hanapbuhay ng lahat ng sinasahuran ng ICC dahil ito lang ang kaso na posibleng humantong sa trial.
“Bakit pa magko-contribute ‘yung ibang iba’t ibang mga bansa para sa operasyon ng hukuman. Hindi po mura ang operasyon ng hukuman ha? Parang 144 million euros kada isang taon po ang budget ng ICC na wala namang kasong nililitis kundi si Tatay Digong,” ani Roque.
Para tuloy-tuloy ang sahod ng kawani, tingin ng international law expert na posibleng aprubahan ng ICC ang request na provisional release ni Duterte at ibasura naman ang naunang motion to dismiss nito.
Atty. Roque: Japan at South Korea, maaaring kumupkop kay FPRRD
Samantala, dalawang bansa sa Asya ang nakikita ni Roque na maaaring puntahan ni Duterte oras na pagbigyan ang hiling na pansamantalang kalayaan.
“Ang mga pinaka-prominent members ng ICC ay iyong bansang Japan at saka ang bansang South Korea. Kasi both Japan and South Korea, nagkaroon na ng Presidente ng International Criminal Court,” aniya.
Posible rin aniya sa Australia dahil malapit ito sa Asya.
Malaki rin ang posibilidad sa Netherlands at malagay sa house arrest ang former Chief Executive.
Kung mangyari ito, limitado lamang sa close family contacts at legal team ang dating Pangulo.
Nilinaw naman ni Roque na tanging si VP Sara Duterte at legal team ni FPRRD ang may alam kung saang ICC member state posibleng tumuloy ang dating punong ehekutibo.