SUPORTADO ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ang panawagan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sumailalim ito sa hair follicle test.
Ayon kay Roque, hindi matutuldukan ang agam-agam ng publiko na posible umanong gumagamit nga ito ng ilegal na droga kung patuloy na iiwas sa panawagan ng taumbayan ang Pangulo.
Kung matatandaan, nagsimula ang hamon na drug test kay Marcos, Jr. matapos banggitin ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa isang rally sa Davao City na bangag ito.
Mas tumindi naman ang panawagan matapos ilabas ng political vlogger na si Maharlika ang pre-operation report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong 2012 kung saan kabilang sa target ang noo’y senador na si BBM.
Ani Roque, karapatan ng publiko na malaman kung nasa matino itong pag-iisip sa paggawa ng desisyon lalo’t pagdating sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Dagdag pa ni Roque, matindi ang akusasyon ng paggamit umano ni Marcos Jr. ng cocaine lalo’t nasa kamay nito bilang chief architect ng foreign policy ng bansa ang buhay ng mga Pilipino.