BUWAN ng Mayo taong 1983 nang itatag ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang elite unit ng Philippine National Police na Special Action Force (PNP-SAF).
Magmula nang ito’y mabuo, naging katuwang na ang SAF sa pagbibigay ng seguridad at kaayusan sa bansa.
Taong 2016 nang italaga ni noo’y PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang SAF sa New Bilibid Prison (NBP) para magbantay sa Maximum Security kung saan nakapiit ang mga drug lord.
Malaki rin ang naging papel ng SAF sa pagkamit ng kapayapaan sa Marawi City, counter-terrorism efforts, at humanitarian missions ng pamahalaan.
Kaya sa ika-41 anibersaryo ng SAF ngayong taon, ibinida nito ang mga nakamit nilang tagumpay kasabay ng pag-alala sa kabayanihan ng mga kasamahan nilang nagbuwis ng buhay para sa bayan.
Kasunod nito’y ginunita rin ni SAF Acting Director PBGen. Mark Pespes ang mga hinarap at napanagumpayan nilang pagsubok na humubog pang higit sa kanilang katatagan para tuparin nang buong katapatan ang kanilang mga mandato.
“As we celebrate the 41st Anniversary of the Special Action Force, let us reflect on the challenges we have overcome, the resilience we have built, and the culture of faith, heroism, and gallantry that sustains us,” ayon kay PBGen. Mark Pespes, Acting Director, SAF.
Kinilala rin nito ang mga SAF trooper na nag-alay ng kanilang buhay kasabay ng panawagan sa mga tauhan nito na kung magkakaisa lang ay tiyak na malalampasan nila ang mga pagsubok.
Inaalala ang mga nalagpasang hirap at sakripisyo
“Let us honor the sacrifices of our fallen and wounded heroes and the bravery of our SAF troopers who continue to serve with honor and distinction. And let us look to the future with hope and determination, knowing that together, we can overcome any challenge that comes our way,” saad ni PBGen. Mark Pespes, Acting Director, SAF.
“Happy 41st Anniversary to the Special Action Force! May the Force be with us all,” pagbati nito.
Hinikayat din ni PBGen. Pespes ang buong SAF unit na muling pagtibayin ang kanilang pangako sa pagtataguyod ng pinakamataas na pamantayan ng integridad at propesyonalismo para sa bayan.
Kasunod nga ito ng pagkakasangkot ng dalawang miyembro ng PNP-SAF sa “moonlighting” o ‘di awtorisadong pag-escort sa isang Chinese Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) official na mahigpit na ipinagbabawal.