PERSONAL na inihatid ni AFP chief of staff General Romeo Brawner Jr. sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal ang mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ay kasunod ng resupply mission ng Armed Forces of the Philippines (AFP) katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG) nitong weekend, kung saan muling ginamitan ng water cannon ng Chinese Coast Guard (CCG) ang mga barko ng Pilipinas.
Sinabi ni Brawner na pinahahalagahan ng gobyerno ang paglilingkod at sakripisyo ng mga sundalo na hindi nagpapatinag na tuparin ang kanilang tungkulin.
Ayon kay Brawner, hindi nila pababayaan ang mga sundalo at kaisa sila ng mga ito sa paggigiit sa karapatan sa West Philippine Sea sa ilalim ng international law.
Maliban kay Brawner, sumama rin sa resupply mission si AFP Western Command (WesCom) commander Vice Admiral Alberto Carlos at iba pang personnel ng AFP.