SA nakalipas na isa at kalahating linggo, nakapagtala ang San Lazaro Hospital sa Maynila ng kabuuang 149 na kaso ng leptospirosis.
Ito ayon kay Dr. Rontgene Solante, ang Head ng Adult Infectious Diseases and Tropical Diseases sa San Lazaro Hospital.
Aniya, kung ihahambing ang bilang na ito sa mga nakalipas pang linggo, nasa average na dalawa o tatlo lamang ang naitatalang kaso sa naturang ospital kada buwan.
Pero ngayon, ani Solante, nagkaroon talaga ng pagtaas ng bilang ng kaso.
Karamihan sa tinamaan ng sakit ay nasa edad 19-69.
“So walang pinipiling edad, most of the patients were really exposed during the July 24 na pagtaas ng tubig-baha. One to two weeks after, doon pa lang sila nagka-sintomas,” pahayag ni Dr. Rontgene Solante, Head, Adult Infectious Diseases & Tropical Diseases, San Lazaro Hospital.
Sa katunayan, mula sa 149 cases, nasa walo na mga pasyente na ang naitala nilang namatay dahil sa leptospirosis.
Sila ay nasa 28-45 taong gulang.
“Hindi pa ito masyadong matatanda but because of the severity of infections, namamatay sila dahil sa komplikasyon, pagkasira ng bato o renal failure and most of these patients also have pulmonary hemorrhage o dumudugo iyong lungs nila,” ani Solante.
Mahigit 60 porsiyento ng kaso ng leptospirosis sa San Lazaro Hospital ay ‘severe’ at ‘moderate’.
Ibinahagi naman ng doktor na kabilang sa sintomas ng leptospirosis ay paglalagnat, tapos pananakit sa katawan, pananakit sa ulo at binti.
“Iyong iba namumula iyong mata, we call it conjunctival suffusion. Pero a lot of these patients, kapag tumatagal na iyong mga ganoong sintomas, unti-unti na rin nilang nararamdaman iyong pagkaunti ng pag-ihi nila, so iyong lumalabas na ihi,” dagdag pa ni Solante.
Ipinahayag naman ni Solante na napaghandaan na ng ospital ang ganitong senaryo ng pagtaas ng kaso g leptospirosis lalo na tuwing tag-ulan.
Nagbukas aniya sila ng mga bagong ward o paglalagyan ng mga pasyente.
Nagtaas din sila ng capacity para sa mga pasyenteng may sakit na leptospirosis.
“We prioritized those patients na talagang na nire-refer sa amin. Hindi namin tinatanggihan. We accommodate everyone, all na ma-admit dito sa San Lazaro Hospital,” aniya.
Sa kabilang dako, iniulat ng Ospital ng Maynila na nakapagtala na sila ng mahigit 100 percent na occupancy rate.
Ang surge ng leptospirosis ay naramdaman pagkatapos ng pananalasa ng Habagat at Bagyong Carina.
Sinabi ni Dr. Mitchell Jan Abad, isang resident doctor sa Ospital ng Maynila, maliban sa pagkakaroon ng sugat, maaari ding magka-leptospirosis dahil sa open pores at kung nainom ang tubig-baha.
Una nang nabanggit ni Health Secretary Teodoro Herbosa na irerekomenda niya sa local chief executives na magpasa ng ordinansa na magbabawal sa pag-swimming o pagligo sa tubig-baha kasunod ng panganib na dulot ng leptospirosis.