NAREKOBER ng mga tropa ng 17th Infantry Battalion, sa ilalim ng 501st Infantry (Valiant) Brigade, 5th Infantry Division ang iba’t ibang armas sa isang temporary hideout ng grupong New People’s Army (NPA).
Ito’y matapos ang 15 minutong bakbakan sa pagitan ng militar at NPA sa Barangay Calassitan, Sto. Niño, Cagayan ng Agosto 9, 2022.
Natagpuan mula sa imbakan ng armas ng nasabing grupo ang ibat’ ibang klase ng armas at karamihan sa mga ito ay gumagana pa.
Kabilang sa mga armas na nasamsam ay dalawang M60 light machine gun, anim na M16A1 rifle, isang M653 rifle, isang M14 rifle, isang AK-47 rifle, isang Carbine rifle at isang homemade shotgun.
Karagdagan pang narekober ay mga bandolier, medical paraphernalia, dalawang improvised explosive devices (IEDs), detonating chord, isang bandila ng grupo at mga supply ng pagkain.
Ayon kay LtCl. Oliver C. Logan, Battalion Commander ng 17IB, kasalukuyang nagsasagawa ng operasyon ang tropa para tuluyang madakip ang mga miyembro ng West Front Committee, Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.
Pinasalamatan din niya ang mga residenteng nagbigay ng impormasyon tungkol sa presensya ng teroristang grupo sa nasabing lugar.
Aniya, ang kanilang suporta sa kampanyang puksain ang armadong pakikibaka ay napakahalaga.
Ayon naman kay BGen. Steve Crespillo, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade, ang nakuhang IEDs mula sa pinangyarihan ng engkwentro ay patunay lamang na ang komunistang grupo ay lumalabag sa International Humanitarian Law.
Dagdag niya, patunay lamang ito na hindi nila pinahahalagahan ang buhay ng mga sibilyan taliwas sa kanilang pagpapakilala bilang tagapagsulong ng karapatang pantao.
Muli namang hinikayat ng heneral ang iba pang mga miyembro ng NPA na magbalik-loob na at mamuhay nang tahimik kasama ang pamilya.