KINUMPIRMA ng Bureau of Corrections (BuCor) na binaril ang sasakyan ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. ng hindi pa nakilalang mga suspect kaninang umaga.
Batay sa inisyal na report, ang Toyota Hilux na may plate number WDQ 811 ay ipinahiram ni Catapang sa kaniyang Deputy Director General for Administration na si Atty. Al Perreras.
Ang bullet proof car ay minamaneho ng security escort na si CO1 Cornelio Colalong kasama ang isang sakay nito na si CO1 Leonardo Cabaniero at bumabagtas sa Skyway patungo sa Quezon City para sunduin si Perreras nang mag-overtake ang mga suspects sakay ng kulay gray na Toyota Vios sa Innova back up car na minamaneho ni CSO2 Edwin Berroya at kasama ang security escort na si CO2 Michael Magsanoc at pagtapat sa Hilux ay binaril na ito.
Tinamaan ng bala ang likurang bintana subalit hindi ito tumagos dahil ito ay bullet proof glass pero ang direksiyon ng bala ay patungo sa passenger front side kung saan nauupo palagi si Perreras.
Maswerte namang walang sinumang security officers ang tinamaan ng bala sa nasabing pamamaril.
Matapos ang insidente ay tumakas na ang getaway vehicle patungo sa Nagtahan Exit ng Skyway.
Kasunod nito ay inamin ni Catapang na pareho sila ni Perreras na nakakatanggap ng mga death threat simula nang ipinatupad nila ang mga reporma sa BuCor, pero pansamantala munang hindi magkomento sa insidente si Perreras.