ISA sa mga petitioner kontra sa impeachment case ni VP Sara Duterte ang nagpaliwanag kung bakit pwedeng pakialaman ng Korte Suprema ang trabaho ng Kongreso.
Isa sa mga pangunahing isyu ay kung may kapangyarihan ba ang Kataas-taasang Hukuman na tanggapin ang petisyong nagpapabasura sa impeachment case ng pangalawang pangulo, gayong malinaw na nasa Kongreso ang kapangyarihan ng impeachment.
Ayon kay Atty. Israelito Torreon, mas pinalawak na ang saklaw ng certiorari powers ng Korte Suprema.
Ang certiorari, na siyang isinampa sa Korte Suprema ng grupo nina Atty. Torreon, ay isang legal na remedyo na ginagamit upang repasuhin ng mas mataas na hukuman ang isang kaso kung may ‘grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction’ sa panig ng mas mababang hukuman o opisyal ng gobyerno.
Ngunit ayon sa 1987 Constitution, ang kapangyarihan ng Korte Suprema sa judicial review ay mas pinalawak pa.
Hindi na nga lang ito limitado sa mga tradisyunal na kasong isinampa sa korte kundi saklaw na rin ang anumang aksyon ng ibang sangay ng gobyerno kung mayroong grave abuse of discretion.
‘’This expanded concept of certiorari now grants the authority on the part of the Supreme Court to look into the acts of other branches such as the House of Representatives when they filed the impeachment complaint,’’ ayon kay Atty. Israelito Torreon.
Giit rin ni Torreon, na isang law professor at dean ng Jose Maria College Foundation Inc. College of Law, ang Korte Suprema ang pinakamainam na magpapasya sa mga iregularidad na kanilang nakita sa paghahain ng impeachment case laban kay VP Sara.
Ito nga’y lalo pa’t naniniwala ang kanilang grupo na minadali ang kaso laban sa Bise Presidente.
‘’The Senate has a limited jurisdiction. And what is the jurisdiction of the Senate? Only to try a valid complaint. Any and all questions beyond that which are not stated in the constitution is subject to the jurisdiction of the Supreme Court as the final arbiter of the law, as well as the Constitution,’’ saad ni Atty. Torreon.
Nanindigan ang petitioners na hindi lubusang napag-aralan ng lahat ng 215 kongresista na bumoto pabor sa impeachment ang reklamo laban kay VP Sara.
Umaasa naman sila na mabibigyang-linaw ito ng Korte Suprema.
‘’Sigurado ako na ang iba dun pumirma lang. So, kung pumirma ka you do not comply with the strict procedural and stringent requirements required by the Constitution,’’ ani Torreon.
Follow SMNI News on Rumble