Schedule para sa pagtalakay sa prangkisa ng SMNI, ipauubaya sa liderato ng Senado—Sen. Poe

Schedule para sa pagtalakay sa prangkisa ng SMNI, ipauubaya sa liderato ng Senado—Sen. Poe

ARAW ng Miyerkules ay pasado sa Kamara ang House Bill 9710 o panukalang pag-revoke sa prangkisa ng Swara Sug Media Corporation o mas kilala bilang SMNI.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas na may tangkang tanggalan ng prangkisa ang isang broadcast corporation.

Sa Kamara prayoridad ang proseso, buwan ng Nobyembre unang nagkaroon ng pagdinig kaugnay sa prangkisa ng SMNI, matapos ang apat na buwan ay agad na itong ipinasa sa ikatlo at huling pagbasa sa plenaryo ng Kamara.

Pero dahil sa kailangan ng isang batas para matanggal ang prangkisa ay kailangan muna itong dumaan sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Sa Senado, tila may pag-aalinlangan dito si Sen. Grace Poe, ang chairperson ng Senate Committee on Public Services na siyang nagtatalakay sa issue ng mga legislative franchises.

“To my knowledge, this is the first instance that a proposal for a franchise revocation has made significant progress in Congress. We should subject this to utmost study and scrutiny as this shall set a precedent for future legislative franchises,” saad ni Sen. Grace Poe, Chairman, Committee on Public Services.

Sa isang pahayag, sinabi ni Poe na dahil sa ngayon lamang nangyari sa kasaysayan ng Pilipinas na may tatanggalan ng prangkisa ay kailangan ito nang masusing pag-aaral at paghimay.

Kailangan aniya na magkasundo ang lahat ng mga miyembro ng kaniyang komite sa kung anuman ang magiging desisyon.

Pagtalakay ng Franchise Bill, hindi prayoridad sa Senado

Sa schedule naman ng pagtalakay rito ay ipauubaya ng senadora sa mga lider ng Senado.

“No franchise bill has ever been listed as a priority so I defer to the leadership as to the pace of its disposition,” ani Poe.

Paliwanag niya, hindi kailanman naging prayoridad sa Senado ang pagpasa ng isang panukalang batas na may kinalaman sa prangkisa.

Ang pahayag ni Poe ay sinegundahan naman ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na miyembro ng kaniyang komite.

Para kay Sen. Bato dapat tratuhin lamang ito bilang isang ordinaryong panukala.

“Kung kailangan i-prioritize depende sa liderato ng Senado, kung ano ang kanyang desisyon para sa treatment ng bill na ‘yan. Pero ako, hindi ako mananawagan na [i-prioritize],” ani Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Sa isang hiwalay na text message sa mga mamamahayag, sinabi ni Sen. Imee Marcos na wala siyang nakikitang anumang matibay na dahilan kung bakit hindi dapat tratuhin ang HB 9710 tulad ng ibang panukalang batas.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble