ISA nang ganap na bagyo ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa 2:00 a.m. update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes, Hulyo 4.
Pinangalanan naman itong Bagyong Bising na inaasahang magdadala ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Kaugnay rito, in-activate na ng Office of Civil Defense (OCD) ang kanilang Search, Rescue, at Retrieval Cluster bilang paghahanda sakaling makaranas ng matinding epekto ang mga local government unit (LGU) mula sa posibleng epekto ng bagyo.
Ayon kay OCD Officer-In-Charge (OIC) Assistant Secretary Raffy Alejandro, patuloy nilang isinasagawa ang prepositioning ng mga pagkain at non-food items katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nagkakaroon na rin aniya ng koordinasyon sa mga LGUs sa pamamagitan ng kanilang regional offices para mabilis na matugunan ang anumang problema o aberya na mararanasan ng mga maaapektuhang residente.
“Iyong ating network from the national, to the regional at saka to the local EOCs ay buo na po ‘yan. May mga redundant system tayo na, support system na ipatutUpad. We are using all means what is available para continuos ang ating coordination,” saad ni Asec. Raffy Alejandro, OIC, Office of Civil Defense.
Dagdag pa ni Alejandro, gumagamit din sila ng satellite-based communication at mayroong physical coordination ng mga tauhan sa mga lokalidad upang magbigay ng suporta, payo, at abiso sa mga komunidad.
Kamakailan lang, inilunsad ng OCD ang Panatag Pilipinas na naglalayong mapalawak ang kaalaman ng mga Pilipino sa pagtugon sa kalamidad at sakuna.
Pagsunod sa building code vs lindol, tinututukan ng OCD
Sa ibang usapin, tinututukan din ngayon ng OCD ang pangmatagalang hakbang upang mapalakas ang kahandaan ng bansa sa mga sakuna, partikular na sa lindol, sa pamamagitan ng pakikipag-partner sa mga engineering associations at civil engineers.
Sambit ni Alejandro, layunin ng nasabing inisyatibo na tiyaking matatag ang mga istruktura at sumusunod ang mga ito sa itinatakdang building codes.
Bahagi ito ng mas malawak na plano upang maiwasan ang malaking bilang ng mga casualty sakaling tumama ang malalakas na lindol, gaya ng “The Big One.”
“Kasi ‘yan ang isa sa measure na maiwasan natin na magkaroon maraming casualty kapag sumunod tayo sa buildijg codes, matitibay ang atin buildings, that can withstand 7 na magnitude na earthquake,” dagdag ni Alejandro.
Nanawagan din ang OCD ng pakikiisa ng pribadong sektor at iba’t ibang stakeholder upang maging bahagi ng paghahanda at pagtiyak na ligtas ang mga komunidad mula sa panganib ng lindol.