Sec. Dizon: EDSA Rehab Project hindi kanselado

Sec. Dizon: EDSA Rehab Project hindi kanselado

NILINAW ni Transportation Secretary Vince Dizon nitong Martes na ang inaabangang rehabilitasyon ng EDSA ay hindi tuluyang kinansela, kundi ipinagpaliban lamang ng isang buwan.

Ginawa ni Dizon ang paglilinaw sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA) kaugnay ng kaniyang pagkakatalaga sa Senado.

“Hindi naman po ibig sabihin cancelled…Ang sabi ng Pangulo lalo na sa DPWH kung saan siya po ang lead agency, ang sabi lang po niya let us to find a better way and a faster way,” ayon kay Sec. Vince Dizon, Department of Transportation.

Ayon kay Dizon, nais ng Pangulo na mapabilis ang proyekto—mula sa orihinal na target na dalawang taon, ay balak itong tapusin sa loob lamang ng anim na buwan.

Dagdag pa ni Dizon, layunin ng gobyerno na hindi gaanong maabala ang publiko, lalo na’t EDSA ang isa sa pinakaabalang kalsada sa bansa.

“Ang sabi lang niya let us find a better way. And when he said a ‘better way’ ng Pangulo ay ‘yung mas mabilis na proseso para hindi na masyadong mahirapan ang mga kababayan nating dumaraan sa EDSA. Ang sabi niya na imbes na dalawang taon ay gusto nya nang anim na buwan lang,” ani Dizon.

Ang proyekto ay pamumunuan ng DPWH at may inisyal na pondo na P8.7B hanggang 2026. Ayon sa ahensiya, posibleng umabot ito ng P15B pagsapit ng 2027.

Kasama sa proyekto ang 24-oras na odd-even scheme at pansamantalang toll holiday sa ilang bahagi ng Skyway Stage 3.

Nasa advanced stage na rin umano ang procurement, at may mga bahagi nang natapos. Pero dahil sa utos ng Pangulo, posibleng kailanganin ng DPWH na mag-adjust.

“Hindi naman po ibig sabihin cancelled pero nakinig lang po siya sa ating mga kababayan to find a better and faster way,” aniya pa.

Ang EDSA Rehabilitation Project ay inaasahang magsisimula muli kapag natapos na ang isang buwang review sa posibleng makabagong teknolohiya at alternatibong solusyon para mapabilis ang konstruksiyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble