TUTUTUKAN ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Sec. Larry Gadon ang paglikha ng maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Sa panayam ng SMNI News, sinabi ni Gadon na ito ang pangunahing susi para maresolba ang kahirapan sa bansa.
Pangunahing tututukan ni Gadon ang mga nasa extreme poverty o yaong mga hindi kayang makabili ng pagkain.
Ayon kay Gadon, target ng Pangulo na matapos ang administrasyon nito sa 2028 na mabawasan ng kalahati ang poverty incidence sa bansa.
Matatandaan na batay sa pinakahuling inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang poverty incidence sa bansa noong 2021 ay tinatayang nasa 18.1 percent o 19.99 milyong Pilipino ang namumuhay ng mas mababa sa poverty line.
Habang naitala naman sa 5.9 percent ang bilang ng mga Pilipino sa ilalim ng subsistence poverty.
Ibig sabihin, ang kanilang kinikita ay hindi kayang makabili man lang ng kanilang pagkain.
Sa pahayag ni Gadon, ang pangunahing makabenepisyo sa mga programa ng gobyerno para tugunan ang kahirapan ay ang mga nasa subsistence level ng kahirapan.
Tinukoy rin ni Gadon na sa kasalukuyan ay mayroon nang ginawang food stamps ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga Pilipinong namumuhay sa matinding kahirapan.