Seguridad para sa nalalapit na SONA ni PBBM, plantsado na – EPD

Seguridad para sa nalalapit na SONA ni PBBM, plantsado na – EPD

NAGHAHANDA na ang pinagsanib puwersa ng Eastern Police District (EPD) at iba pang ahensiya ng pamahalaan para sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ngayong Lunes.

Kabilang ang HPG, BJMP, Traffic Management Office ng Pasig, SOCO, SWAT at iba pang hanay mula sa iba pang rehiyon ang tutulong sa seguridad sa nalalapit na SONA.

Tiniyak ni PLt.Col.  Roberto Santos, Chief Public Information Officer ng EPD na aabot sa halos 2,000 kapulisan ang ikakalat para siguruhin ang seguridad ni PBBM maging ang mga taga-suporta nito.

Aniya, bago rito ay i-dineploy na rin ang iba’t ibang kapulisan sa mga check point katulad na lang sa EDSA Mandaluyong at San Juan sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan.

Kung saan, ito ay may kinalaman sa kaayusan at kaligtasan ng bawat Pilipino na dadalo sa SONA ng Pangulo.

Maliban dito, nagsagawa na rin ng random check ang hanay ng kapulisan ng EPD sa mga check point at mahigpit na ipinatutupad ang gun ban.

Sinabi pa ng opisyal, matinding kaparusahan ang posibleng kahahantungan ng sinuman na mahuhuli na lalabag sa gun ban.

Samantala, binibigyang-diin naman ni Col. Santos ng EPD na hindi sila magdadalawang isip na bombahan ng water cannon ang mga raliyista o mga makakaliwang grupo na manggugulo sa SONA ng Pangulo.

Giit nito, hindi naman sila pinagbabawalang ilahad ang kanilang hinaing sa gobyerno pero hiling ng kapulisan ang respeto sa Pangulo.

Kasabay ng SONA ng Pangulo, magsasagawa rin ang EPD ng outreach program upang mahikayat ang mga Pinoy na huwag nang sumama sa mga rally ng mga makakaliwang grupo.

Mamahagi ng food packs sa bawat barangay ang Eastern Police District na naglalaman ng mga bigas, canned good at iba pa.

Hakbang ito ng EPD upang mailapit sa mga mamamayan ang tulong ng mga kapulisan, lokal na pamahalaan at national government.

Makakaasa umano ang mamamayan na gagampanan ng EPD at iba pang katuwang na ahensiya ng pamahalaan ang pagsiguro sa kaligtasan sa araw ng SONA.

Hiling ng mga otoridad ang kooperasyon ng bawat grupo upang maging matiwasay at matagumpay ang kauna-unahang SONA ni Pangulong Marcos Jr.

 

Follow SMNI News on Twitter