HINIMOK ni Senador Alan Peter Cayetano ang publiko na magpatuloy at magkapit-kamay sa pagtataguyod ng bansa sa gitna ng kontrobersiya na nakapalibot sa bagong tourism slogan na ‘Love the Philippines.’
Ito ay matapos putulin ng Department of Tourism (DOT) nitong Lunes ang kontrata nito sa isang advertising agency na napatunayang gumamit ng stock footage na kuha mula sa mga ibang bansa sa pagsusulong ng turismo sa Pilipinas.
Pinuri ng senador ang masiglang demokrasya ng bansa na aniya’y nagbigay-daan sa pagkakalantad ng isyu at naging dahilan upang tanggapin ng DOT at ng ad agency ang kanilang mga pagkakamali.
Gayunpaman, sinabi niya na kailangang magkaroon ng balanseng pananaw sa isyung ito kung saan maaaring may partisan at pampulitikang interes.
Sinabi rin ni Senador Alan Peter Cayetano na sa pagtataguyod ng turismo sa Pilipinas, bahagi dapat ng atraksiyon ang pangunahing asset ng bansa: ang mga Pilipino.