NANAWAGAN si Sen. Sonny Angara sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na resolbahin ang mga isyu na nagdudulot ng pagkaantala sa pamamahagi ng social pension para sa mga mahihirap na senior citizen.
Ani Angara ang cash aid na ito ay napakahalaga sa mga matatanda na walang maaasahan para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa isinagawang interpellation sa proposed budget ng DSWD kamakailan, nabatid na umabot na sa tinatayang P5-B ang backlog sa pamamahagi ng social pension.
Sa nakalipas na tatlong taon, ang average na budget para sa social pension para sa mga senior citizen ay nasa P25-B.
Sa social pension for indigent seniors program ng DSWD ay inaasahan na makikinabang ang mahigit apat na milyong matatandang Pilipino na walang regular na kita o suporta mula sa pamilya at hindi tumatanggap ng anumang pensiyon.